Direklino

TV rights ng ‘Nanahimik…,’ nakuha ng GMA-7

February 4, 2023 Ian F. Fariñas 418 views

TOKYO, JAPAN — NAKIPAGKITA naman sa grupo namin nina Jun, Gorgy at Dondon ang Rein Entertainment producer na si Direk Lino Cayetano na nagtungo rin sa Japan para sa post-birthday celebration nila ng misis niyang si Fille, player ng Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League.

January 4 ang actual birthday ni Direk Lino habang January 30 naman si Fille.

Nag-snow boarding at skiing sila nang ilang araw sa Niseko kasama ang ilang kaibigan bago tumuloy sa Tokyo.

Sa pakikipag-usap ng grupo kay Direk Lino, sinabi niya na hindi muna matutuloy ang international distribution ng Nanahimik ang Gabi, ang 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng Rein Entertainment.

Magpu-focus daw muna sila sa streaming deals at eventually, pagsali sa film festivals abroad.

Umaasa si Direk Lino na sa pamamagitan nito, makakakuha sila ng distribution offers para naman mapanood ng mga Pinoy abroad ang naturang Ian Veneracion-Heaven Peralejo starrer.

“It’s gonna be an exciting year,” diin ng direktor/producer.

Dalawang pelikula raw ang plano nilang gawin ngayong 2023 bukod pa sa dalawang series.

“We’re excited na patuloy ‘yung trabaho,” saad pa ni Direk Lino.

Marami rin daw siyang natutunan sa pagsali sa MMFF.

“Sobrang daming natutunan. Hindi ko alam kung saan ko sisimulan. Unang-una, napaka-spoiled ko palang direktor. Nu’ng direktor ako sa ABS, lahat ibinibigay sa akin. Iba pala ‘pag producer ka.

Iisipin mo ‘yung budget, iisipin mo ‘yung promo, ‘yung distribution. Dati, ‘pag nandu’n ako, sa iba kong ano bilang direktor, inisiip mo lang ‘yung nasa harap mo. Iniisip mo lang ‘yung kwento, pero kahit anong ganda pala ng kwento, kung wala tayong mga kaibigan, partners tulad n’yo, wala tayong platforms, distribution, hindi mapapanood ng mga tao (ang pelikula mo),” aniya.

Napakalawak daw pala ng industriya at na-realize niya na isa itong “network of people helping each other para mailabas mo ang pelikulang ito.”

Locally, nabili na pala ng GMA-7 ang TV rights ng Nanahimik ang Gabi kaya thankful si Direk Lino sa pagiging TV partner ng Kapuso network.

AUTHOR PROFILE