Edd Reyes

Tunay na diwa ng Semana Santa, damang dama pa rin sa Lungsod ng Taguig

March 27, 2024 Edd Reyes 115 views

TILA hindi na gaanong nararamdaman sa maraming lungsod sa Kamaynilaan ang tunay na diwa sa paggunita ng Mahal na Araw.

Noon kasi, Lunes Santo pa lamang ay naririnig na sa maraming lugar sa Kamaynilaan ang pabasa ng pasyon, pati na ang kalalakihang nagpe-penitensiya sa pamamagitan ng pagpasan ng krus at paghampas sa sarili sa layuning tumbasan ang paghihirap ng Poong Hesukristo na sa kanilang paniniwala ay makakabawas ito sa kanilang mga kasalanan.

Dati, kahit sa tabi lang ng kalsada o barangay hall ay may pabasa ng pasyon pero ngayon, kalimitang makikita na lamang ito sa malalaking simbahan.

Hindi tulad sa malalayong probinsiya, buhay na buhay pa rin ang diwa ng Mahal na Araw dahil kumpleto pa rin ang kanilang siyete palabras na nilalahukan ng mga matatandang bihasa sa pagbasa ng pasyon, pagkakaroon ng Senakulo, at pagpipinitensiya na humahantong pa sa pagpapako ng ilan sa krus.

Mabuti pa nga dito sa Lungsod ng Taguig, mayroon silang The Life of Christ Park na binuksan sa publiko ni Mayor Lani Cayetano sa TLC Village upang magkaroon ng tamang lugar ang mga mamamayan na magdasal, magnilay-nilay at damahin ang ginawang sakripisyo ni Hesukristo para tubusin sa kasalanan ang sanlibutan.

Sabi nga ng alkalde, hindi na kailangan pang lumayo at gumastos ang mga taga-Taguig para madama ang diwa ng Semana Santa dahil naka-disenyo na ang parke para sa malalim na pag-uunawa sa buhay ni Hesukristo, mula sa kanyang huling hapunan hanggang kanyang sakripisyo, kamatayan at muling pagkabuhay.

Dagdag pa ng alkalde, tunay na isang probinsiyudad ang kanilang lungsod dahil sa kabila ng pag-unlad, nananatili pa rin ang mayamang kultura na sa mga malalayong probinsiya na lamang makikita.

Nagsimulang magbukas ang The Life of Christ Park noong Lunes at tatagal ng hanggang Marso 30 ng Sabado De Gloria.

Pagnipis ng supply ng kuryente at tubig, asahan ngayong tag-init

Sa tindi ng damang init ngayong tag-araw, tiyak na lalakas ang konsumo sa kuryente at tubig ng maraming residente sa Metro Manila, lalu na sa mga lugar ng mga may kaya sa buhay.

Kahit ano pa kasing panawagan at pakiusap ng Department of Energy (DOE) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga consumers na magtipid sa tubig at kuryente, marami ang hindi makakasunod lalu na ang mga kabahayang may air conditioning unit, habang marami namang kabahayan ang lalakas din sa konsumo ng tubig dahil sa madalas na paliligo na sagot ng karamihan para maibsan ang nadaramang init.

Marami namang tips ang ibinabahagi ang Meralco para sa makatipid sa konsumo ng kuryente na ipinapatalastas pa sa radyo at television, bukod sa naka-post pa sa social media, pero karamihan ay hindi sinusunod ng mga consumers.

Nagbigay naman ng babala sa mga consumers ang MWSS sa posibleng rotational water service interruption sa oras na lumawig pa ang panahon ng tag-init na kasabay pa ng El Nino na magbubunga ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.

Kahit ano pa ang babala at paalala ng mga service provider para tipirin ang konsumo ng tubig at kuryente, ang mga consumers pa rin ang magdurusa tuwing katapusan ng buwan sa mataas na bayarin na kanilang nakonsumo sa loob ng isang buwan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE