Allan

Holy Week: Noon at Ngayon

March 27, 2024 Allan L. Encarnacion 188 views

NAG-IBA na talaga ang mundo, lalo na sa mga katulad naming “mga tao sa unang panahon.”

Iyong Maundy Thursday namin noon, para kaming hindi makabasag pinggan sa sobrang hinhin ng mga pagkilos.

Hindi lang mga tao, pati mga negosyo ay ibang-iba noon sa ngayon. Kaya nga kapag Miyerkules Santo, parang panic buying ang mga nasa komunidad. Namalengke na at namimili na ng mga pagkain para sa Maundy Thursday, Good Friday hanggang Black Saturday.

Wala ka talagang mabibilhan, parang ghost town ang komunidad. Pero iyong mga sari-sari store sa paligid ang tumitiba. Partially open sila, kunwari sarado pero iyong rehas ng tindahan niya, nakabukas pa rin. Pero iyong mga mini-mall, sarado talaga. Wala pa namang mga malalaking malls noong araw.

At ang kalsada, buwenas nang may dumaan na sasakyan.

Bawal din magpatugtog ng malakas pero iyong Pabasa sa kabilang bahay, sobrang lakas ng speaker na parang ayaw magpatulog sa magdamag!

Kaming mga kabataan, bawal lahat, lalo na ang maghabulan. Ito ang pamatay na linya: Huwag kayong magtakbuhan kapag nasugatan kayo ng santo-santo, hindi na gagaling yan!”

Easter Sunday pa lang kami kumikilos nang totoo, iyong para kaming natubigang palaka sa saya dahil Pasko na ng Pagkabuhay.

Ang susungit kaya ng mga matatanda namin noong araw kapag Holy Week. Konting kibot, mapabilis ka lang ng lakad, nakasutsot na agad. Kaya nga nakaumpok lang kami sa tabi at nagbubulungan. Kung minsan, hindi maiwasang magtawanan dahil nga kabataan kaya lang, may konserbatibong matandang nakapamewang na susugod: “Hindi ba talaga kayo tatahimik dyan? Santo-santo ngayon!”

Ito ang mas mabigat, bawal kaming maligo kapag Biyernes Santo. Bahala nang mag-amoy impakto.

Kung makakapag-swimming man kami sa ilog sa mga panahong iyon, buwenas na ang Sabado de Gloria. Pero iyong Easter Sunday, lahat na puwede mong gawin.

Hindi ko rin alam kung kailan nagsimula ang transition ng pagiging normal na buhay kapag Holy Week ngayon kung ikukumpara sa Holy Week namin noon.

Ngayon kasi, halos lahat ay normal ang galaw, may mga malls na nagbubukas pa rin ng Maundy Thu at Good Friday, lahat ng mga restaurant ganoon din naman ngayon, Kung may sarado man, tiyak na mas maraming nakabukas. Mas malakas nga raw ang kita nila sa mga ganitong panahon.

Iyong mga swimming nga ng pamilya at barkada ay natatapat palagi sa Maundy Thu, Friday hanggang Sunday.

Pero ano ba ang esensiya ng obserbasyon ng Holy Week noon at Holy Week ngayon? Sa tingin ko ay pareho rin, maaring na-iba na ang ating mga kilos subalit importante pa ring maging sentro ng Semana Santa ay ang pagiging malapit sa Panginoon at pagiging mabuting nilalang sa anumang panahon.

Mahirap din kasi iyong napaka-istrikto mo sa pagrespeto ng Holy Week pero parang Friday the 13th ni Hudas ang iyong pag-uugali. Iyong halos lahat ng tao ay kaaway mo, iyong ang sama ng asal sa buong taon pero kapag Holy Week ay para kang may krus sa dibdib na di masaling.

Walang pinipiling panahon ang pagiging mabuting tao, wala ring pinipiling tao ang pagiging mabuting ugali.

Sabi nga sa Banal na Aklat: “Ang nagsasabing nagmamahal sa Panginoon subalit napopoot sa kanyang kapatid ay isang sinungaling.”

Have a Blessed Holy week sa ating lahat.

[email protected]