Dizon Pinasalamatan ni ‘The Game Changer General’ MPD chief P/BGen. Andre P. Dizon si P/Lt. Col. Salvador Tangdol at tauhan nito sa pag-aresto sa wanted na Tsinoy. Kuha ni JON-JON REYES

Tsinoy timbog sa ‘talbog’ na tseke

May 15, 2023 Jonjon Reyes 377 views

ARESTADO ang isang 60-anyos na Tsinoy o Filipino-Chinese makaraang madakip sa bisa ng arrest warrant sa kasong paglabag sa Batas Pambansa (BP) Bilang 22 dahil sa pag-isyu ng “talbog” na tseke sa loob ng isang kilalang hotel sa Malate, Maynila Linggo ng hapon, Mayo 14.

Ang suspek ay binata at residente ng Quezon City, ayon sa ulat.

Ayon kay P/Lt. Col. Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station (PS) 9, bandang 3:30 ng hapon, nang matimbog ang suspek sa loob ng isang five-star na hotel sa P. Quirino Avenue sa panulukan ng Mabini Street.

Ayon sa report ni Tangdol, pinangunahan ng kanyang tauhan na si P/Capt. Jose Ric Morellos, hepe ng Station Warrant Section, ang pag-aresto sa Tsinoy sa tulong ng isang impormante.

Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Analie B Oga-Brual ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 41 Quezon City, na may petsang Hunyo 22, 2021, dahil sa kasong paglabag sa BP Blg. 22.

Naglagak naman ang nasabing korte ng piyansang P132,000 sa kinakaharap nitong 7 counts ng paglabag sa nasabing kaso.

Pinuri naman ni MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon ang kapulisan ng Malate PS-9 maging ang pinuno nito na si Tangdol.

AUTHOR PROFILE