MDJ

Trailer ng obra ni Ricky Lee, may milyun-milyong views

October 1, 2022 Ian F. Fariñas 381 views

TRAILER pa lang ay milyun-milyon na ang na-hook sa pinakabagong obra ng National Artist na si Ricky Lee, ang May-December-January, na may mahigit 10 million views na online.

Ang May-December-January ay pinagbibidahan nina Andrea del Rosario, Gold Aceron at Kych Minemoto sa ilalim ng direksyon ni Mac Alejandre.

Ito ay isang kwento ng pag-ibig at pagpaparaya.

Si Andrea ay si Claire, single mom at career woman. Bago pa man ipagtapat sa kanya, alam na niyang bakla ang kanyang anak.

Tanggap niya ito nang buong-buo pero mahahati ang puso niya dahil pareho sila ng lalaking minamahal.

Si Gold naman ay si Pol, edad 17.

Malapit siya sa ina kaya hindi siya nahirapang aminin ang totoo niyang katauhan.

Ang hindi madali para sa kanya ay ang pigilan ang nararamdaman para sa kanyang best friend at tanggapin na karibal niya ang kanyang ina.

Si Kych si Migoy, edad 19 pa lang pero mature na mag-isip. Laging bukas ang tahanan ng mag-ina para sa kanya kaya naman hindi niya naiwasang mahulog ang loob kay Claire.

Patutunayan niya na tunay at malinis ang kanyang intensyon sa nanay ng kanyang kaibigan.

Sa nakaaantig na love triangle na ito, sino nga ba ang lubos na magsasakripisyo para sa pamilya at pagkakaibigan?

Sa trailer, dama na ang malalim na emosyon ng mga bida.

Mas pinaigting pa ito ng theme song na Pagdating ng Panahon.

Hindi nakapagtataka kung bakit marami ang naging excited para mapanood ang pelikulang ito.

Sa loob ng kanyang 26 years sa industriya, maraming pelikula at TV series na ang nagawa ng dating Viva Hot Babe na si Andrea.

Maraming beses niyang pinatunayan na hindi lamang siya sexy dahil minsan na rin siyang nanomina bilang best actress sa Gawad Urian.

Hindi na bago kina Gold at Kych ang gumawa ng maseselang eksena sa boys love movies.

Dahil sa kanyang husay, nanalong best actor si Gold sa Cinema One Original Digital Film Festival at sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

Samantala, galing naman sa teatro ang Filipino-Japanese na si Kych.

Naniniwala siya na ang basic rule ng pag-arte ay ang reaction ng aktor sa kanyang kapareha sa eksena.

Kapana-panabik makita ang kabuuan ng pagsasama-sama nilang tatlo sa May-December-January kaya ‘wag itong palampasin sa mga sinehan simula October 12.

AUTHOR PROFILE