Default Thumbnail

Traffic enforcer kalaboso sa ‘pangingikil’ ng Dutch nat’l

January 17, 2023 Melnie Ragasa-limena 209 views

NAHAHARAP sa kasong “robbery extortion” ang isang 27-anyos na traffic enforcer matapos na hingan ng P2,000 ang hinuling Dutch national kapalit ng hindi pag-iisyu umano ng traffic violation receipt (TVR) sa Novaliches, Quezon City, Lunes ng madaling araw.

Ang biktima ay 20-anyos, binata, Dutch national, at pansamantalang naninirahan sa Bilibiran, Binangonan, Rizal.

Ang suspek ay 27-anyos na traffic enforcer, tubong Nueva Ecija at residente ng Barangay Kaligayahan, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 1:00 ng madaling araw (Enero 16), nang maganap ang insidente sa Quirino Hi-way corner Gen Luis St., Bgy. Nova Proper, Novaliches.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Nido B. Gevero ng CIDU, lulan umano ng Honda TMX motorcycle ang biktima kasama ang girlfriend nito nang parahin sila ng suspek sa nasabing lugar dahil umano sa paglabag sa “no entry-one way.”

Tumigil naman ang nasabing dayuhan at doon ay sinabihan siya ng traffic enforcer na magbigay na lamang ng P2,000 para hindi na siya maisyuhan ng TVR.

Nagbigay naman ang dayuhan ng P2,000 kaya pinayagan na silang makaalis ng nasabing traffic enforcer pero lingid sa kaalaman niya ay nagtungo ang biktima sa Novaliches Police Station at isinumbong kay PCpl. Antonio Alcazar ang pangyayari na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.