Default Thumbnail

DEG agent timbog sa drug bust sa Sta. Cruz

January 17, 2023 Jonjon Reyes 228 views

ISANG 34-anyos na parak na tauhan umano ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Camp Crame ang natimbog sa inilatag na buy-bust operation ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), Lunes ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major Gen. Jonnel Estomo, ang suspek ay may ranggong Police Staff Sargeant, may asawa, ng Tramo Street Barangay San Isidro, Pasay City.

Base sa ulat ni P/Lt. Ramon Czar Solas, hepe ng Manila Police District (MPD) Sta. Cruz Police Station (PS), bandang 8:45 ng gabi (Enero 16), nang ikasa ang buy-bust ng mga tauhan ng RDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Deni Mari Pedrozo, team leader, na inasistihan ni P/Lt. Col. Ferdinand Casiano, matapos na makipagkoordina sa kanyang tanggapan sa MPD Sta. Cruz PS 3.

Isinagawa ang operasyon sa panulukan ng Rizal Avenue at Lope De Vega Street, Sta. Cruz, sa naturang lungsod.

Nang magkakaabutan na ng droga kapalit ng pera, nakatunog diumano ang suspek na kabarong pulis pala ang kanyang ka-transaksyon, kaya agad nitong pinaharurot ang minamanehong Yamaha NMax na kulay gray.

Dito na nawalan ng kontrol at nagpagewang-gewang ang motorsiklo hanggang sa bumangga ito sa center island sa poste ng LRT Line 1 sa Rizal Avenue.

Agad namang pinososan at inaresto ang suspek at nakitaan ng 25 gramo ng shabu na may street value na P170,000.

Bukod sa shabu, kinumpiska din ng mga operatiba ang service firearm ng nasabing pulis, maging ang kanyang motorsiklo, buy-bust money, at isang iPhone Promax.

Inaresto rin ang dalawang kasamahan ng suspek na parehing naka-assigned sa PNP-CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) sa Camp Crame matapos lumabag sa “obstruction of justice” sa isinigawang buy-bust.

Lumbas sa imbestigasyon na dating kasamahan ng suspek ang dalawa noong nasa sa CIDG pa ito bago ma-destino sa PNP-DEG.

Ang pagkakaaresto ng mga suspek na pulis ay bunga ng pinaigting na paglilinis sa hanay ng pambansang pulisya alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. at Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos Jr., na kamakailan ay hiniling ang “courtesy resignations” ng mga 3rd-level officers na diumano’y sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

“Naumpisahan na natin ang paglilinis ng hanay ng kapulisan sa ating pagtugon sa panawagan ng ating SILG at Chief PNP sa pamamagitan ng pagbitiw sa serbisyo ng mga matataas na opisyal sa PNP at pagsasailalim ng kapulisan natin sa NCRPO sa mandatory drug testing. Ngayon naman ay seryoso ang pamunuan ng NCRPO sa walang humpay na paglilinis ng ating hanay sa mga anay na sumisira dito,” ani Estomo.

Ang suspek na DEG agent ay kasalukuyang nakakulong sa NCRPO na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 Art. II of RA (Republic Act) 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002.). NINA JON-JON REYES AT ALFRED DALIZON

AUTHOR PROFILE