Tiyaga sa magulang

May 23, 2022 Allan L. Encarnacion 55 views

Allan EncarnacionWALA na sigurong pinakamasarap para sa magulang ang makitang saan man nakarating ang mga anak ay bumabalik pa rin sila kung saan mo iniwanan.

Hindi lugar ang ibig kong sabihin, karakter ang gusto nating ipuntos.

Marami kasing mga anak na sobrang bait noong mga bata pa sila at wala pang nararating sa buhay. Pero nang magsimula nang magkaroon, umayos na ang sitwasyon, nagtagumpay na sa napiling karera, hindi na mahagilap ng magulang ang dati nilang anak dahil nagbago na lahat sa kanya mula sa pamumuhay hanggang sa ugali.

Kaya nga mapalad ang mga magulang na ang anak ay marunong lumingon hindi lang sa kanilang nanay at tatay, bagkus ay maging sa mga kapatid.

Hindi ko nga mahanapan ng paliwanag kung bakit may mga nanay na tumatanggap pa ng labada sa kabila ng kanilang katandaan. Or worst,
may mga magulang na pamamalimos ang ikinabubuhay kahit may mga anak naman sila na kayang magtrabaho.

Hindi naman sukatan ng taas or baba ng iyong narating para maging excuse na hindi kayang suportahan ang mga magulang. Ano ba naman iyong maisahog mo lang sa sinaing sila nanay at tatay para hindi na kailangang mamalimos or kumayod pa kahit matanda na.

Sa ibang bansa gaya ng America, pag dumating na sa 18 or 21 ang anak, hinihikayat na ng mga magulang na magsarili.

Kahit hindi nila aminin, ganoon na rin ang nagiging cycle nila kapag tumanda naman ang kanilang mga magulang. Sa halip na alagaan, dinadala sila sa homecare para ipaalaga sa iba.

Sa Singapore pala, may batas sila na puwedeng kasuhan ng gobyerno ang mga anak na nagpapabaya sa magulang, lalo na kung may kakayahan naman.

Pero dito sa atin, walang umiiral na batas, walang American family life cycle na nangyayari. Iyong puso at pagkatao palagi ang nangingibabaw kaya madalang sa atin ang pinapaubaya sa homecare ang mga magulang kapag tumanda na. May nangyayari namang ganito pero hindi bahagi ng sistema ng pamilyang Pilipino.

Nakakatuwang makita na may mga anak na sobrang tiyaga sa magulang. Iyong hindi pilit, iyong talagang natural na matiyaga at mapagmahal sa mga magulang.

Maraming anak ang nakakalimot sa pagtitiyaga ng kanilang mga magulang sa kanila magmula pa lang sa pagsilang. Naniniwala ako na mas madaling magtagumpay ang mga anak na kumakalinga sa magulang.

Hindi nalalaos ang matandang kasabihan na ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.

Bago ka magmahal ng iyong mga kaibigan at mga kapitbahay, mahalin mo muna ang iyong mga magulang.

allanpunglo@gmail.com