TVJ

Tito, Vic, & Joey, Phillip, Sharon, Alma, Helen, Icon awardees ng 5th EDDYS

November 19, 2022 Ian F. Fariñas 440 views

Sharon

SAMPUNG tinitingala at nirerespetong alagad ng sining ang bibigyang-pagkikilala sa gaganaping 5th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Tulad ng mga nagdaang taon, 10 mahuhusay at itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino ang pararangalan ng SPEEd bilang Icon awardees ngayong 2022.

Ito’y para sa hindi matatawarang kontribusyon at pagmamahal nila sa movie industry sa loob ng mahabang panahon.

Ang 5th The EDDYS Icon honorees ay sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Phillip Salvador at Roi Vinzon.

Kasama rin sa bibigyang-parangal ang mga de-kalibreng aktres na sina Helen Gamboa, Divina Valencia, Elizabeth Oropesa, Sharon Cuneta at Alma Moreno.

Para naman sa special awards ng ikalimang edisyon ng The Eddys ipagkakaloob ang Joe Quirino Award sa entertainment journalist at TV correspondent na si Mario Dumaual.

Ang scriptwriter at dati ring entertainment editor na si Eric Ramos ang tatanggap ng Manny Pichel Award habang ang Rising Producers’ Circle award ay ipagkakaloob sa Rein Entertainment.

Ang Viva Films naman ang napili ng SPEEd bilang Producer of the Year.

Para sa Isah V. Red Award, pararangalan sina Gretchen Barretto, Kris Aquino, Alfred Vargas, ang Kapuso Foundation at ang Sagip Kapamilya.

Nauna nang inihayag ng SPEEd ang mga nominado para sa iba’t ibang kategorya ng 5th The EDDYS.

Maglalaban-laban para sa Best Film ang Arisaka (Ten17 Productions), Big Night, (IdeaFirst Company) Dito at Doon, (TBA Studios); Kun Maupay Man It Panahon (Black Sheep, Globe Studios, Dreamscape Entertainment) at On The Job: The Missing 8 (Reality Entertainment).

Nominado naman sa kategoryang Best Director sina Erik Matti (On the Job: The Missing 8); Mikhail Red (Arisaka); Jun Lana (Big Night); Carlo Francis Manatad (Kun Maupay Man it Panahon); at JP Habac (Dito at Doon).

Sa Best Actress category, magsasalpukan sina Janine Gutierrez (Dito at Doon); Kim Molina (Ang Babaeng Walang Pakiramdam); Maja Salvador (Arisaka); Charo Santos (Kun Maupay Man It Panahon); at Alessandra de Rossi (My Amanda).

Sino naman kaya ang tatanghaling pinakamagaling na aktor sa 5th The EDDYS mula sa mga nominadong sina John Arcilla (On The Job: The Missing 8); Christian Bables (Big Night); Dingdong Dantes (A Hard Day); Daniel Padilla (Kun Maupay Man It Panahon); at Piolo Pascual (My Amanda)?

Para sa Best Supporting Actress category nominado sina Janice de Belen (Big Night); Lotlot de Leon (On The Job: The Missing 8); Eugene Domingo (Big Night); Elizabeth Oropesa (Huwag Kang Lalabas); at Rans Rifol (Kun Maupay Man It Panahon).

Samantala, magpapatalbugan naman sina John Arcilla (Big Night); Mon Confiado (Arisaka); Christopher de Leon (On The Job: The Missing 8); Ricky Davao (Big Night); at Dennis Trillo (On The Job: The Missing 8 sa Best Supporting Actor category.

Ang ikalimang edisyon ng The EDDYS ay ipiniprisinta ng Globe Telecom sa pakikipagtulungan ng Beautederm, NCCA at MET, sa suporta ng Tanduay, kasama sina Dr. Carl Balita ng Dr. Carl Balita Foundation, JFV Rice Mill at Bataan Rep. Geraldine Roman.

Katuwang ng SPEEd sa pagdaraos ng 5th The EDDYS ang Fire And Ice Media and Productions, Inc., ang kumpanyang itinatag nina Liza Diño at Ice Seguerra.

Magaganap ang ikalimang edisyon ng The EDDYS sa November 27 sa Metropolitan Theater (MET) sa ilalim ng direksyon ng OPM icon at award-winning singer-songwriter na si Ice Seguerra.

Magsisilbi namang host ng event ang talent manager at premyadong TV personality na si Boy Abunda.

Ang pagbibigay ng award ng SPEEd ay isang paraan para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pa na bumuo ng makabuluhan at de-kalidad na pelikula.

Ang SPEEd ay samahan ng mga entertainment editor ng major broadsheets at tabloids sa bansa, sa pangunguna ni Eugene Asis (ng People’s Journal) bilang presidente.

AUTHOR PROFILE