Default Thumbnail

Tinuruan kasi tayong maging empleyado!

November 14, 2022 Allan L. Encarnacion 356 views

Allan EncarnacionBIHIRA sa karaniwang pamilyang Pilipino ang hinuhulma ang kanilang mga anak para maging isang negosyante.

Ang paboritong linya nating lahat ng mga magulang (guilty ako dyan) sa ating mga anak: “Mag-aral kayong mabuti para makakita kayo ng magandang trabaho!”

Marami na akong narinig na mga Tsinoy family na iba ang kanilang upbringing. Ibang-iba ang linya nila sa linya ng mga puro. Sila, ang pag-ukit ng kinabukasan ng kanilang anak ay pinag-aaral para maging negosyante.

Maraming mga Fil-Chinese na hindi lang nila ito sinasabi sa kanilang mga nag-aaral na anak, full apprenticenship ang kanilang ginawa para talagang magsimula ang business sense sa pagkabata pa lang. Meaning, kung may hardware sila, bata pa lang hinahasa na sa pagbabantay sa tindahan nila, tinuturuan na ng mga sukatan ng kahoy, klase ng mga bakal, mixture ng mga pintura, etc, etc.

Iyong pamilya ni yumaong si John Gokongwei, palagi kong nababasa ang mga anecdotes at mga sipi ng kanyang mga nakaraang speech. Sina Robina at Lance ay maagang sinanay sa pagnenegosyo. Ang allowance nila ay nakadepende sa kanilang pagtatrabahuhan sa kanilang kompanya.

Kita nyo naman ngayon kung nasaan ang Robinsons Group of company at kung ano na ang papel nila Lance at Robina. Ang latest acquistion nila ay ang Mini-stop (na magiging Sir John na ata at Rustan’s Supermarket ( na Marketplace na ngayon).

Namayapa man ang iniidolo natin sa pagka-humble na si Sir John, nasapo naman ng mga anak ang business empire and still expanding.

Ganyan din ang karakter ng yumaong Tatang Henry Sy, Sr na isa rin sa totoong istorya ng from rags to riches. Pinanday din sa pagpapatakbo ng negosyo ang mga anak. Sina Henry “Big Boy” Sy, Jr, sina Madame Tessie at ang ibang mga anak niya. Buhay na buhay ang SM group na nag-expand na mula sa mall, real estate developments, banks, hotels and casino hanggang sa energy.

Kaya iilan lang ang mga pamilyang nagkakaroon ng malawak na negosyo dahil hindi nga kasama sa kultura ng mga karaniwang Pinoy ang maging negosyante. Kahit pagdating natin sa ating mga paaralan, wala naman sa ating mga asignatura ang nagtuturo kung paano maging negosyante mula elementarya, sekondarya hanggang college, maliban na lang kung Business or Management ang iyong kurso.

Maliban kasi sa pagtitinda namin ng nutribun noong araw na nilalako pa namin kung saan-saan, wala talagang totohanang pagtururo kung paano magnegosyo. Kaya ako,naging dalubhasa lang sa pagbibilang ng sukli dahil sa paglalako ng nutribun noong nag-aaral kami sa elementarya.

Marami-rami na rin akong nabuksang negosyo. Noong araw, pinagtayo ko ng Pares canteen ang mga kapatid ko at nanay ko, nagkaroon na rin ako ng manpower services, water stations, 6 branches coffee shop, piano bar at sports bar. Hindi naman ako tumitigil sa pagtatrabaho kahit may mga negosyo ako.

Dahil nga hindi naman kami hinasang maging negosyante, iba palagi ang nagma-manage ng aking negosyo. Dumarating sa punto na ninanakawan ka na ng iba ng tao mo nang hindi mo pa alam, napapabayaan ang mga negosyo, hindi nakakasingil sa mga pautang at may mga aspeto ng negosyo na hindi mo na nakikita na dapat palang magkaroon ng improvement or changes.

Hindi ko rin maihiwalay ang aking pagkatao sa negosyo na isang malaking pagkakamali. Ang dapat pala, kapag negosyante ka, huwag mong ikakabit ang puso mo sa mga tao dahil masisira talaga ang negosyo. “Heartless and ruthless” ka daw para hindi madamay ang negosyo.

Hindi malupit o pusakal ang ibig kong sabihin sa heartless and ruthless. Meaning, huwag kang maawain at huwag mong isabay ang personal na konsiderasyon mo sa tao para huwag madamay ang puhunan.

Halimbawa, noong may manpower services kami, iyon mga uniporme at sapatos pala ng mga janitors, dapat pababayaran mo sa kanila dahil iyon ang tamang sistema. Hindi ako pumayag, pinabigay ko lang sa kanilang lahat dahil ayokong mabawasan ang suweldo nila ng kinsenas at katapusan.

Iyong mga tao ko naman sa ibang negosyo ko, binigyan ko ng barracks, binigyan ko pa ng libreng pagkain at itinaas ko pa ang suweldo dahil sa sobrang baba ng kanilang buwanan nang bilhin ko ang kanilang kompanya. Dahil ayaw ko silang maging jobless, absorbed sila sa bagong magement. Ang ending ninakawan lang nila ang kompanya, nagde-deliver ng mga produkto kapag Sunday tapos wala sa log book ng benta ang kanilang delivery.

Doon naman sa isang branch ng aming coffee shop, nagtitinda na pala ng hopia at itlog na nilaga ang aming service crew, kinompetensiya pa ang aming tinda!

Marami akong kabobohang ginawa sa negosyo dahil nga sa kawalan ng trainin at nagkakaroon ng mga personal attachment sa mga empleyado.

Kaya kung gusto nyo talagang maging maayos ang buhay ng inyong mga anak, huwag nyo silang hasaing maging empleyado, pandayin nyo silang maging negosyante may isilang na mga bagong Henry Sy, Sr at Sir John Gokongwei sa ating bansa.

[email protected]