Default Thumbnail

Kontra Diskriminasyon Para sa Lipunang Patas at Makatao

November 14, 2022 People's Tonight 1176 views

RobinHINDI ang pagkakaiba sa kulay ng balat, o lupang pinagmulan, o relihiyon ang nagdudulot ng ating pagkakawatak-watak; bagkus, ito ay ang ating kawalan ng kakayahan na kilalanin, tanggapin, at ipagdiwang ang mga pagkakaibang ito.

Kadalasan, mabilis ang pangdidiskrimina o pagtatangi ng ilan sa ating mga kababayan laban sa kanilang kapwa base sa pananampalataya, etnisidad, at maging pinanggalingan sa buhay. Isa lang po ang kahulugan ng laganap na diskriminasyon sa isang lipunan: umiigting rin ang kamangmangan o kawalan ng malalim na pag-unawa sa pagkakaiba ng mga tao.

Bilang halimbawa, ang mga dating nahatulan ng krimen at kalaunan ay pinalaya o mga ‘ex-convicts’ ay nahaharap sa kakaunting oportunidad para makapagtrabaho o magnegosyo. Gayong walang teknikal na pag-aaral ang nalathala kung gaano kalaganap ang diskriminasyon sa mga ex-convicts sa empleyo, alam natin ang “stigma” na dulot nito hindi lamang sa mga dating nakulong kundi pati na rin sa kanilang pamilya.

Personal pong naranasan ng inyong lingkod ang dagok ng diskriminasyon bilang Muslim at ‘ex-convict’. Maraming pagkakataon na tayo ay nakaranas ng panghuhusga na nagpahirap sa atin na makapagsimulang muli sa industriya, at maging sa pribadong negosyo. Hindi madaling humarap sa buhay sa labas ng kulungan lalo na’t hindi bukas ang lipunan na tanggapin ng buo ang iyong nakaraan.

Ang mga balakid na ito dulot ng hindi makatwirang pagtingin sa isang indibidwal base sa kanyang kinabibilangang pangkat, relihiyon o lahi ay nagdudulot ng malaking pinsala sa ating lipunan.

Malinaw ang sinasabi ng mga pag-aaral ukol dito, kabilang na ang Global Risks Report 2016: ang pabago-bago at kawalan ng katatagan ng lipunan ang itinuturing na isa sa mga panganib sa buong daigdig na dapat bigyan ng mataas na pagpapahalaga sa susunod na 10 taon.

Ang diskriminasyon, anumang anyo at porma nito, ay banta sa katatagan ng lipunan at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Kaya naman marapat na tugunan ang diskriminasyon, kabilang na ang lahat ng aksyon na nagdudulot ng hindi pagkakapantay-pantay at patas na pagtrato sa kapwa batay sa sinasaad ng Konstitusyon.

Ito ang aking isinususog sa Senado sa pamamagitan ng Senate Bill 233 o “Anti-Discrimination Act”. Kaiba sa mga nauna ng panukalang batas para labanan ang diskriminasyon, layunin nating gawing mas komprehensibo ang saklaw ng ating inihaing batas, kabilang na ang pagkakaiba-iba at di pantay na pagtrato sa mga tao batay sa lahi, etnisidad, relihiyon o pagkakabilanggo.

Sa ilalim ng ating panukala, ang diskriminasyon ay tumutukoy sa anumang pagkakaiba, pagbubukod, paghihigpit o pagtatangi batay sa kulay, lahi, pinagmulan, bansa o etnikong kinabibilangan, relihiyon o paniniwala, o pagiging isang dating nakakulong o ‘ex-convict’.

Sakop ng mga gawaing pinarurusahan sa panukalang batas ang mga sumusunod: diskriminasyon sa politikal na partisipasyon, eleksyon, trabaho, pag-aaral at pagsasanay, at pangangalakal; pagbabawal sa pagpasok sa pampublikong pasilidad o pagtitipon; at “profiling”.

Layunin ng panukala na bigyang aksyon ang anumang uri ng hindi makataong diskriminasyon at ituring itong pagkakasala na may katumbas na kaparusahang kriminal o sibil man. Kasama sa mga parusa sa paglabag ang multang hindi bababa sa P100,000, anim na taong pagkulong, o pareho sa unang paglabag; multang hindi bababa sa P500,000 hanggang P1 milyon, walong taong pagkulong, o pareho sa susunod pang paglabag; at parusa na multang P500,000 pataas, pagkakakulong ng walong taon pataas, o pareho ang itinakda sa opisyal ng pamahalaan, at mga opisyal ng korporasyon na lalabag. Kung dayuhan ang lumabag, agad itong ide-deport matapos ang pagkulong.

Pangunahing prinsipyo ng ating panukala ang pagtataguyod ng isang lipunang makatao, patas at walang tinatangi batay sa kulay, pananampalataya o estado sa buhay. Marapat na po nating tuldukan ang pagkakahiwa-hiwalay, kamangmangan, at balikong paniniwala na nagdudulot ng diskriminasyon sa ating lipunan. Panahon na po ng pagkakaisa, pagkamulat, at pag-usad bilang isang bansa. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE