Default Thumbnail

Senador Win Gatchalian: Math at Science High School sa bawat probinsiya

November 14, 2022 Marlon Purification 257 views

Marlon PurificationBILANG pagkilala sa World Science Day for Peace and Development na ipinagdiwang noong Nobyembre 10, muling binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga pampublikong math and science high school sa lahat ng probinsya sa bansa.

Dahil dito, naghain si Gatchalian ng Senate Bill No. 476 o Equitable Access to Math and Science Education Act, na may layuning magkaroon ng access sa dekalidad na edukasyon sa applied sciences, mathematics, at technology para sa lahat ng kabataang Pilipino.

Ito’y upang linangin ang susunod na henerasyon ng mga siyentipiko, mathematicians, mga inhinyero, at iba pang propesyonal na magsusulong ng pag-unlad sa agham, teknolohiya, at industriya.

“Ang isang matatag na sektor para sa research and development ay mahalaga upang maiangat natin ang antas ng ating pamumuhay. Ang ganitong klaseng academic preparation ay nagbibigay ng daan upang mapayabong ang critical thinking at financial literacy na mga kakayahang mahalaga para sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya, ani Gatchalian.

“Lalo na’t kinakailangan natin ang workforce na mahusay sa science at math,” wika pa nito kasabay ng pagsasabing malaking benepisyo para sa lahat ang pag-iinvest sa human capital.

Ibinahagi ni Gatchalian ang datos mula sa UNESCO Institute of Statistics kung saan lumalabas na wala pang dalawang-daan o 186 ang bilang ng mga mananaliksik sa bansa kada isang milyong mamamayan.

Ang bilang na ito ang isa sa mga pinakamababa sa mga bansa sa ASEAN, anang senador.

Tinukoy ni Gatchalian ang mababang marka ng mga mag-aaral ng bansa sa math and science sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan lumabas na pangalawang pinakamababa ang Pilipinas sa Science and Mathematics kung ikukumpara sa 79 na bansang nakilahok.

Sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), pinakamababa sa Mathematics and Science ang markang nakuha ng Pilipinas sa 58 bansang nakilahok. Sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019 naman, 17 porsyento lamang ng mga mag-aaral ng Grade 5 ang nakapagtamo ng minimum standards sa Mathematics sa pagtatapos ng primary.

“Ang math at science ang ating pundasyon upang isulong ang inobasyon sa ating bansa. Kung mapapatayuan natin ang bawat probinsya ng pampublikong math at science high school, matitiyak natin na bawat sulok ng bansa ay magkakaroon ng mahuhusay na Science, Technology, Engineering, Agriculture and Mathematics (STEM) professionals na makakatulong sa ating pag-unlad,”ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.