Default Thumbnail

Pagbibigay ng ayuda, dapat ilagay sa ayos

November 14, 2022 Paul M. Gutierrez 1123 views

PaulNANINIWALA ang mga miron at ilang mambabatas na mas “matatamasa” ng mga Pinoy ang ayuda ng gobyerno kung hindi gagawing ‘decentralized’ ang pamamahagi nito.

Halimbawa, alam ba ninyo, dear readers, na batay sa rekord ng Kongreso, aabot pala sa higit P780 milyon ang dapat sana’y ‘cash aid’ mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang hindi naipamigay noong isang taon dahil sa burukrasya (red tape) at mahabang proseso?

Sa kasalukuyan, mayroon ding palang nakalaan na P200 bilyon para sa iba’t-ibang programa ng cash aid para sa mga mahihirap na Pinoy pero ang “problema” nga lang, “nakakalat” ito sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno, ‘yun lang, hehehe!

Ang ganitong “sistema” ang nag-udyok kay Sen. Alan Peter Cayetano para ipanukala sa plenaryo ng Senado na “bakit” hindi na lang “pag-isahin” ang lahat ng ito upang ang kabuuang halaga na puwedeng umabot sa P10,000 bawat mahihirap na Pilipino ay “maramdaman” ng lahat?

Kung sa bagay, ang isyu ng P10K ayuda na hindi nagkatotoo sa nakaraang Kongreso ang isa sa mga ikinakantyaw kay Sen. Alan sa panahon ng kampanya at kahit pagkatapos ng eleksyon.

Pero kung titingnan, “puwede” naman pala!

Hindi kataka-taka na ngayong ika-19 na Kongreso, muling binuhay ni Sen. Alan ang kanyang panukala na sa halip ‘ma-chop-chop,’ pag-isahin na lang ang pamimigay ng mga nasabing ayuda para higit itong maramdaman at mapakinabangan ng mga mahihirap nating kababayan (at dapat kasama tayo rito, hehehe). Ano kaya ang masasabi dito ng DBM, aber?

Sa tingin ng mga miron, bakit nga ba hindi ito subukan ng gobyerno sa harap na rin ng mga katatapos lang na mga kalamidad.

Paano nga naman, dumaan na ang kasagsagan ng pandemya, nagtaasan na ang presyo ng lahat ng mga bilihin, nanalasa na ang mga bagyo, mistulang hindi napagtutuunan ng pansin ng ang panukalang batas na magbibigay ng 10K ayuda.

Sa kasalukuyan, ang panukalang budget para sa susunod na taon ay may mga cash aid na para sa mga magsasaka, mangingisda, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, displaced workers, at mga driver ng pampublikong sasakyan.

Kaya lang, kung ganito ngang kalat-kalat, baka ang maging ending na naman ay matengga ang pondo nang hindi nakakarating sa dapat makinabang sa panahon na kailangang-kailangan.

Hindi na mauulit ang ganitong malungkot na pangyayari kung idederetso na lang sa bawat pamilyang mahihirap ang ayuda.

Ang sabi nga ni Cayetano, wala nang dapat piliin at lahat ay mabibigyan. Matapos ang matinding perwisyo ng pandemya at pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa ngayon, dapat ay maging simple na ang proseso at wala ng kung anu-anong mga dadaanan ang mga benepisyaryo bago sila makakuha ng ayuda.

Translation? Kailangan nila ng pagkain agad-agad dahil kumakalam ang kanilang mga sikmura.

Nasa batas ang pagkakaroon ng mga ahensya ng gobyerno ng iba’t ibang programa para sa subsidiya tuwing emergency, ngunit isinulong pa rin ni Sen. Cayetano sa budget plenary session sa Senado na dapat pag-aralan mg gobyerno na pag isa-isahin na lang ang mga subsidiyang ibinibigay sa iba’t-ibang sektor.

Ilan na rito ang 4Ps at AICS ng DSWD at TUPAD naman ng DOLE. Bukod pa dito ang ‘fuel subsidy’ ng LTO para sa mga pampublikong sasakyan at ang ayuda sa sektor sa agrikultura na gustong mangyari ni PBBM.

Kung susuportahan, naniniwala si Sen. Alan na “makahahabol” pa sa deliberasyon ng badyet para sa 2023 ang kanyang panukala na naglalayon lang naman na mabawasan ang kaliwa’t kanang proseso na kailangang pagdaanan ng mga benepisyaryo bago sumayad sa kanilang mga kamay ang ayuda.

Naniniwala rin ang mga miron kung sadyang may malasakit ang mga nakaupo nating opisyales sa economic team ng gobyerno, puwedeng-puwede na mangyari ito.

Abangan!

AUTHOR PROFILE