Default Thumbnail

Teacher dedo, pamangkin sugatan sa pananambang

January 26, 2023 Zaida I. Delos Reyes 178 views

PATAY ang isang teacher habang sugatan naman ang pamangkin nito nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek lulan ng motorsiklo habang papasok sa kanyang trabaho nitong Miyerkules ng umaga sa Sultan sa Barongis, Maguindanao.

Ang biktima ay head teacher ng Mileb Elementary School na matatagpuan sa Rajah Buayan sa nasabing lalawigan.

Isinugod naman sa pagamutan ang 7-anyos na pamangkin ng biktima na nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 7:00 ng umaga (Enero 25) sa kahabaan ng National highway sakop ng Sitio Nadal, Barangay Barurao ng nasabing bayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo kasama ang pamangkin nang pagbabarilin ng suspek.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang gunman habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima subalit hindi na umabot ng buhay ang guro.

Ayon sa mga residente ng lugar, nakarinig sila ng apat na sunod-sunod na putok ng baril at pagkatapos ng ilang saglit ay sinundan pa ito ng tatlong putok at ng kanilang tignan ay bumulaga na sa kanila ang nakadapang bangkay ng guro habang duguan naman ang batang kasama nito na agad nilang dinala sa pagamutan.

Hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak at kaibigan ng biktima na yaon sa kanila ay kilalang “mabait, palaging nakangiti at palakaibigan” ang guro at wala naman umano itong kaaway.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.