Tattoo artist tiklo sa pangmomolestiya

August 6, 2022 Edd Reyes 65 views

ARESTADO ang 35-anyos na tattoo artist matapos magkaroon ng lakas ng loob ang isang menor de edad na dalagita na isumbong ang palaging “panghihipo” sa maselang parte ng kanyang katawan ng suspek sa Navotas City.

Kaagad na ipinadakip ng 36-anyos na ina ng biktima ang suspek na nanunuluyan sa kanilang bahay sa Barangay Tangos North matapos magsumbong ang kanyang dalagitang anak sa muling “paglamas” ng suspek sa maseselang parte ng kanyang katawan dakong alas-3 ng madaling araw ng Biyernes.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na dumating sa tinutuluyang bahay ang suspek na nakatira sa San Jose Del Monte, Bulacan, na lango sa alak at kaagad na pinasok sa loob ng kanyang silid ang biktima at sinimulang lamasin ang dibdib at maselang parte ng katawan.

Naalimpungatan sa pagkakatulog ang dalagita kaya’t lakas-loob niyang itinulak ang lalaki at nagtatakbong palabas ng kanyang silid para isumbong na sa ina ang ka-manyakang ginagawa sa kanya ng suspek.

Kaagad na nagtungo ang ina ng dalagita sa Navotas Police Sub-Station 2 upang humingi ng tulong na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa tattoo artist.

Kasong paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Navotas City.

AUTHOR PROFILE