Default Thumbnail

Tama na ang palusot sa brownouts

September 19, 2022 Erwin Tulfo 469 views

TulfoINAANTABAYANAN ng taumbayan ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Energy (DOE) ukol sa malawakang brownouts sa Luzon noong nakaraang linggo.

Binubusisi DOE ang kondisyon ng transmission lines at mga apektadong power plants sa naturang brownouts sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Aurora, Pampanga, at Zambales.

Paano nga ba naman…. ilang mga lalawigan ang sabay-sabay nawalan ng kuryente sa loob ng isang araw?

Sumunod ang paghuhudyat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Luzon grid ng Red Alert noong September 12. Ibig sabihin, kinapos talaga ng power supply.

Tiniyak naman ng aking kaibigan na si DOE Secretary Raphael Lotilla na walang kakulangan sa fuel supply kaugnay ng “simultaneous forced outages.” Kaya hindi maaring gamitin ito bilang dahilan ng mga power companies.

Bagaman, hindi pa rin nakatutuwa ang malawakang brownout lalu umaarangkada na ang post-pandemic recovery efforts ng bansa. Kailangan nang makabangon ang ating ekonomya.

Malinaw pa sa sikat ng araw na isa sa priyoridad ng liderato ni Pangulong Bongbong Marcos ang electrification ng lahat ng pamayanan, partikular na ang mga lugar ng mga magsasaka.

Noong bago at pagkatapos ng makasaysayang panalo ni PBBM sa eleksyon, paulit-ulit nyang pinagdiinan na importanteng magkaroon ng kuryente sa tahanan ng bawat pamilyang Pilipino sa makabagong panahon ngayon ng digital technology.

Nakakabuwisit pa at ang ilang mga establismiento ay hindi nakakatulong sa electrification program ni PBBM.

Isa sa mga inutil na establismiento ay iyang Peninsula Electric Cooperative (PENELCO) na siyang may hawak ng prangkisa na magserisyo sa probinsya ng Bataan mula noong 1990 hanggang year 2040.

Dagsa ang mga reklamo ng mga member-consumers laban sa PENELCO dahil sa madalas na brownouts na nakakasagabal sa paghahanapbuhay at pegnenegosyo ng mga Bataenos.

Sabi ng isang member-consumer na rumaraket sa tourism promotion ang nagsabing mas madalas pa ang brownout sa Bataan kaysa sa pagpawala-wala ng signal ng internet.

Paano nga ba makapagse-serbisyo sa mga lokal at dayuhang turista kung walang kuryente sa mga historic sites sa Bataan?

Kung anu-anong dahilan ang ibinibigay ng PENELCO tulad ng pagkasisra ng linya ng kuryente dahil sa tinamaan ng kidlat o kaya’y naglilinis o nagpuputol ng mga puno na sumasabit sa linya.

Hindi sapat ang mga kadahilanan na yan para balewalain ang masamang epekto ng brownouts sa kabuhayan ng mga residente at mga negosyante sa lalawigan.

Kung yan ay magpapatuloy, wala rin palang pinag-iba ang PENELCO sa pinalitan nitong kooperatiba, ang palpak na BATELCO.

Kailangan nang mabawasan ng PENELCO ang scheduled and unscheduled power interruptions.

Dapat patunayan ng PENELCO na karapat-dapat ito sa iginawad na prangkisa sa kanila para mag-operate sa Bataan.

Dapat nitong ayusin na ang mga service lines at sub-stations upang maging steady ang supply ng kuryente sa lahat ng sulok ng Bataan.

Ngunit kung magpapatuloy ang pangangapa sa dilim ng mga member-consumer, maigi pang isuko na ng PENELCO ang prangkisa nito!!!

AUTHOR PROFILE