Marlon

KUDETA SA SENADO?

May 20, 2024 Marlon Purification 93 views

ISINUSULAT ko ito’y hindi ko alam kung nagkatotoo na ba ang sinasabi kong kudeta sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Pero malakas ang ugong at usap-usapan na papalitan na raw si Senate President Migz Zubiri.

Ang papalit sa kanya ay si Senator Chiz Escudero.

Ayon sa ating source, may numero na raw ang kampo ni Escudero at malamang sa malamang ay bababa sa puwesto si Zubiri.

Buwan nang Marso ng kasalukuyang taon nang unang umugong ang palitan ng puwesto sa Senate presidency.

Ang umugong naman noon na papalit sa kanya ay si Senador Jinggoy Estrada. Hindi ito nagtagumpay hanggang sa sumapit ang buwan ng Mayo ay may ganitong pag-ugong na isyu uli.

Hindi ko mawari kung bakit nadadalas ang coup rumors kay Zubiri.

Sadyang ayaw lang sa kanya ng iba mga senador?

Anuman ang kakahantungan ng impormasyong ito, sana ay mapabuti ang Senado.

At sana ang lahat ng legislative agenda ng Malakanyang, partikular na ang para sa kapakanan ng mayorya ng taumbayan ay manatiling manaig at mangibabaw.

Sakaling magbago ang pamunuan sa Senado, asahan na rin na magbabago siyempre ang committee chairmanship.

Abangan!