Lacson

Tagumpay vs rebelyon dapat pangalagaan ng susunod na pangulo

March 10, 2022 People's Tonight 318 views

MABABALEWALA ang anim na dekadang pananaig ng pamahalaan sa mga grupo na kumakalaban sa estado kung magkakaroon ng alyansa ang ilang kampong pulitikal sa mga rebeldeng grupo na ang tanging layunin lamang ay kunin ang kapangyarihan ng gobyerno.

Ito ang paliwanag ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson sa panayam ng Bombo Radyo, Huwebes ng umaga, para linawin ang mga bumabatikos sa kanya dahil sa kanyang pahayag hinggil sa ginanap na political event ng isang kandidato sa Cavite kamakailan.

“Ang worry ko lang doon kung merong isang posible o looming coalition na naman between ‘yung movement na ang sole objective lang naman mag-seize ng power sa gobyerno. E delikado. Ma-se-setback na naman ‘yung gains na nakuha ng [gobyerno], itong present administration, doon sa laban natin against insurgency,” sabi ni Lacson.

“Hindi ba dapat tapusin na natin kasi meron nang momentum? ‘Yon lang naman angworry ko,” pahayag pa ng presidential candidate bilang tugon sa mga netizen na kumuyog sa kanya sa Twitter dahil sa kanyang post—na pinararatangang isang uri diumano ng red tagging.

Ayon sa dating hepe ng Philippine National Police, ang kanyang sinabi ay batay na rin sa nakalap niyang impormasyon na may mga komunistang grupo ang gumagamit ng mga malawakang pagtitipon ng ibang mga kandidato para isulong ang kanilang ideolohiya.

Kinumpirma rin ito ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz na dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at sumuko sa gobyerno.

Sa isang video, ibinahagi ni Ka Eric ang mensaheng ipinadala sa kanya ng dating kasamahan mula sa CPP-NPA operatives na nakabase sa Cavite, kung saan inamin nilang may mga miyembro ng militanteng grupo at CPP-NPA ang dumalo sa campaign rally ng isang presidential candidate.

“Siya mismo inisa-isa niya ‘yung mga dumalo doon sa rally doon sa Cavite na, ‘yon nga, nasa mga front organizations nila dati, na ‘yung iba nandiyan pa. So, marami siyang in-identify na mga pangalan e na kung saan nandoon mismo sa rally. So, somehow na-validate naman ‘yung intelligence source ko mismo,” aniya.

Ayon pa kay Lacson, malinis ang kanyang hangarin sa paglalabas niya ng impormasyong ito. Mas mabuti umano na buksan ang isipan ng publiko upang makita nila ang lahat ng mga posibleng kahantungan ng pagpili nila ng iboboto para maging susunod na lider.

Naniniwala rin ang chairman ng Partido Reporma na ngayong humaharap ang bansa sa mga panloob at panlabas na giyera, kinakailangan na may karanasan sa anumang laban ang susunod na mamumuno sa mga Pilipino.

“Ang kailangan ng ating bansa ‘yung leader na sanay sa giyera na kung sakaling sa atin mangyari ‘yung nangyari sa Ukraine, isang pwedeng tumayo talaga bilang commander-in-chief na may kakayahan, may experience tungkol sa pag-li-lead ng mga tao,” ayon pa kay Lacson na tinutukoy ang digmaan ng Russia at Ukraine.

AUTHOR PROFILE