Crime

Supervisor tinigok dahil sa utang

March 23, 2024 Edd Reyes 93 views

DAHIL sa hindi umano pagbabayad ng utang, tigok ang supervisor ng isang pabrika ng goma nang pagbabarilin ng 75-anyos na retiradong factory worker sa Valenzuela City.

Dedo kaagad sa tama ng bala ang biktimang si alyas “Cesar” na 56-anyos at residente ng Barangay Panghulo, Malabon City, habang personal namang sumuko kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang suspek na si alyas “Fred” ng Brgy. Lingunan sa pamamagitan ni Chairman Jose Cabral ng Brgy. Lingunan.

Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., alas-9:10 ng umaga nitong Huwebes nang harangin ng suspek na nakasakay sa isang asul na motorsiklo ang bisikletang sinasakyan ng biktima sa kanto ng South at Central Road, Raminel Subdivision, Brgy. Veinte Reales.

Nagusap sandali ang dalawa pero ilang sandali lang ay pinagbabaril na ng suspek ang biktima sa dibidb, kanang braso at kaliwang balikat na agad niyang ikinamatay.

Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pagpatay patungong T. Santiago Street sa Brgy. Lingunan.

Makalipas ang ilang oras, nagtungo ang suspek kay Cabral upang magpatulong na sumuko sa alkalde, dala ang ginamit na kalibre .38 revolver na may laman pang tatlong bala, pati na ang ginamit na motorsiklo.

Personal namang pinuntahan ni Mayor Wes, kasama sina P/Maj. Jose Hizon, assistant chief of police for operation, at P/Lt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit, ang suspek sa tanggapan ng kabesa at dito niya inihayag na nagigipit lamang siya kaya niya sinisingil sa matagal ng pagkakautang ang biktima, pero pinagsalitaan pa aniya siya ng hindi maganda kaya niya ito nabaril.

Matapos marinig ang panig ng suspek, tiniyak ni Mayor Wes na imo-monitor niya ang takbo ng usapin sa oras na maisampa na sa hukuman ang mga kasong murder at paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, laban sa kaniya.

AUTHOR PROFILE