Default Thumbnail

‘Snatcher’ dedo sa bus

October 10, 2022 Melnie Ragasa-limena 247 views

NASAWI ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na sinasabing “snatcher” nang masagasaan at pumailalim sa pampasaherong bus habang tumatakas Lunes ng tanghali sa Quezon City.

Inilarawan ang naaksidenteng lalaki na nasa edad 35-40, may taas na 5’3, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng blue t-shirt at black jogger pants.

Agad namang naaresto ang driver ng Golden Dragon passenger bus.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Reinelle L. De Las Alas ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, bandang 12:40 ng tanghali (Okt. 10) nang maganap ang aksidente sa EDSA Santolan Flyover Southbound, Bgy. Bagong Lipunan, Crame, Quezon City.

Binabaybay umano ng bus driver ang southbound lane ng EDSA (carousel lane) patungong Ortigas Avenue, nang biglang tumawid ang lalaki dahilan upang masagasaan ito at pumailalim pa sa sasakyan.

Sinasabing nagnakaw ang lalaki sa isang taxi sa labas ng nasabing istasyon at biglang tumawid sa barrier ng EDSA Busway upang makatakas pero nabundol ito ng paparating na bus at naipit ang ulo sa gulong ng sasakyan na nagresulta ng kaniyang agarang kamatayan.