Default Thumbnail

SK Compensation Act isinusulong ni Salceda

May 23, 2021 People's Tonight 557 views

MAY katwirang matuwa ang mga halal na opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ng mga barangay. Maaaring magkaroon na rin sila ng karampatang sahod sa susunod na taon.

Masidhing itinutulak ngayon ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na maipasa agad ng Kongreso ang inakda niyang HB 1667 o Sangguniang Kabataan (SK) Compensation Act, pagkatapos ng 2021 SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit na Hulyo ngayong taon.

Ikinatuwa ni Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na inaprubahan na sa ‘second reading’ kamakailan ng Senado ang sariling bersyon nito ng panukala kung saan nakapaloob, hindi lamang ang pagpapasahod sa mga halal na opisyal ng SK kundi pati ang pagbibigay sa kanila ng ‘civil service eligibility’ na layunin din ng nauna niyang panukalang HB 1030.

“Ang pagbibigay sahod sa mga opisyal ng SK ay isang malakas na pahiwatig ng bansa na inaasahan din nito ang akmang antas ng propesyunalismo at dedikasyon mula sa kanila, gaya ng ibang sahurang manggagawa ng pamahalaan. Ibig sabihin nito, seryusong inaasahan ng bansa ang trabaho ng SK. Nakikipagtulungan ako ngayon sa House Committee on Local Government para mapabilis lalo ang debate at pag-apruba sa panukalang batas,” paliwanag niya.

“Pagsasamahin namin ang dalawang panukala ko tungkol sa pasahod at “civil service eligibility” sa isang bill na lamang upang mapadali ang usapan sa kanila pagdating sa ‘bicameral conference meetings’ dahil magkasama ang dalawang usapin sa bersyon ng Senado. . . Inaasahan kong maipapasa ito marahil sa Agusto para maisama na sa 2020 badyet at mapasahod na sila sa susunod na taon,” dagdag ni Salceda.

Sa ilalim ng HB 1667 ni Salceda na aamyenda sa RA 10742, ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, panukalang pasahurin ang SK kagawad katumbas ng kalakati ng buwanang pasahod sa Barangay kagawad na umaabot sa P6,250, depende sa antas ng pananalapi ng barangay. Panukala ring akmang bayaran ang serbisyo ng SK ‘secretary’ at ‘treasurer.’

“Kinakatawan ng SK ang pinakamalaking bahagi ng populasyon sa antas ng pamahalaang local, kaya naniniwala akong dapat palakasin ito bilang insititusyon. Dapat pamuhunanan natin sila para makaasa naman tayo ng higit na magaling na trabaho mula sa mga kabataan,” paliwanag ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE