Default Thumbnail

Shabu, MJ nasabat sa 2 sa Makati City

January 22, 2023 Edd Reyes 241 views

HINDI lang shabu kundi maging high grade marijuana ang binibitbit bilang kalakal ng dalawang magkasabuwat sa pagbebenta ng ilegal na droga na nadakip ng pulisya Sabado ng gabi sa Makati City.

Kasabay ng pagtanggap sa P500 markadong salapi buhat sa pulis na nagpanggap na buyer, dinakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati Police sina Luisito Matias III, 22 at Axel Caleja, 24, dakong alas-8 ng gabi sa kanilang tirahan sa 7268 J. Victor St. Brgy. Pio Del Pilar sa naturang lungsod.

Sa ulat ni Makati Police Chief P/ Col. Edward Cutiyog kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, matagal ng minamanmanan ng mga tauhan ng Makati Police Sub-Station 3 ang dalawa matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa pagbebenta nila ng ilegal na droga sa lugar na sakop ng naturang police station.

Nang makumpirma ang sumbong, kaagad nakipag-koordinasyon ang mga tauhan ng Sub-Station 3 sa SDEU na nagkasa na ng buy-bust operation para madakip ang dalawa.

Nakumpisa ng mga pulis sa mga naarestong suspek ang humigit-kumulang na 50.8 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P345,440.00, 57 gramo ng marijuana fruiting tops na may halagang P6,840 at ang tinanggap na markadong P500 na ginamit ng pulisya sa buy-bust operation.

Ayon kay BGen. Kraft, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t-ibang unit ng kapulisan sa bawa’t lungsod at munisipalidad sa pagdakip sa mga taong sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga at ang ipinamalas na koordinasyon ng mga tauhan ng SDEU at Sub-Station-3 ng Makati Police Station sa mga natatanggap na impormasyon ay isa lamang halimbawa sa matagumpay na resulta ng operasyon.

Inihahanda na ngayon ng pulisya ang paghahain ng mga kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act laban sa mga suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE