Tuloy Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi mababalam ang serbisyo ng NHA sa mga magsasaka at publiko lalo na nitong panahon ng anihan. Source: Department of Agriculture FB

Serbisyo ng NHA sa mga magsasaka, publiko tuloy

March 14, 2024 Cory Martinez 106 views

SA kabila nang sunod-sunod na suspensiyon ng ilang opisyal ng National Food Authority (NFA), tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi mababalam ang serbisyo ng ahensiya sa mga magsasaka at publiko lalo na nitong panahon ng anihan.

Ito ang binitawang pangako ni Laurel matapos na suspendihin din ng Ombudsman ang bagong talaga na officer-in-charge (OIC) ng NFA na si Piolito Santos at isa pang opisyal na si Jonathan Yazon, acting department manager for operations and coordination, dahil din sa kontrobersiyal na pagbenta ng rice buffer stock.

Matatandaan na itinalaga ng NFA Council si Santos noong isang linggo bilang OIC ng NFA matapos na suspendihin ng Ombusdman ang may 139 opisyal at empleyado ng NFA kabilang na si NFA Administrator Roderico Bioco, dahil din sa naturang pagbebenta ng rice buffer stock.

Dahil sa pagkasuspinde ni Santos, muling hahawakan pansamantala ni Laurel ang NFA upang magtuloy-tuloy ang serbisyo ng ahensiya.

Samantala, itinalaga naman ni Laurel si director IV Larry Lacson bilang officer-in-charge deputy administrator ng NFA na kanyang kaagapay sa pagpapatuloy na serbisyo ng ahensiya.

“Gusto naming patatagin ang sitwasyon sa NFA kasunod ng mga pangyayari noong isang linggo. Gusto naming tulungan ang mga empleyado ng NFA sa gitna nang krisis na nararanasan nila ngayon,” ani Laurel.

Naatasan ang NFA na magtatag ng isang national rice buffer stock nang mga 300,000 metric tons sa pamamagitan ng pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

AUTHOR PROFILE