Senatorial bet Guillor Eleazar, hindi marunong mang-iwan!

January 13, 2022 Marlon Purification 265 views

Marlon PurificationHABANG nalalapit ang umpisa ng kampanyahan para sa national elections, unti-unti ay nakakikita na tayo ng matinding laglagan.

Ito iyong lalagan ng isang kandidato sa kanilang kasama na papanig naman sa kabila para mabigyang benepisyo ang kanilang kandidatura.

Ika ‘nga, normal na sa pulitika ang nang-iiwan sa ere para sa pansarili nilang interes.

Kung may isang kandidato ngayon na kinabibiliban ko, ito’y walang iba kundi si dating PNP chief Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Hanggang ngayon kasi ay hindi nito iniiwan ang tambalang Ping Lacson at Tito Sotto na kahit hindi maganda ang ipinapakita sa mga resulta sa survey, taas-noo pa rin si Eleazar na sila’y ‘ipaglaban!’

Dahil sa muling pagsirit ng mga COVID cases sa bansa, nabalam pansamantala ang mga ‘listening tour’ ng lahat halos ng kandidato. Lalo pa’t nag-positive ang presidential bet ni Guillor na si Senator Ping, ngunit okay na ito ngayon!

Ang nakatutuwa, habang may parinig na si Leni Robredo na handa itong makipag-alyansa sa ibang kandidato, malabanan lamang ang kampo ni Duterte at may nagtutulak naman ng ISSA o Isko Moreno at Sara Duterte tandem, eto’t tahimik lamang ang kampo nina Tito Sen.

Lalo na si Eleazar, wala kang maririnig dito kundi isulong lamang ang kanyang plataporma de gobyerno, kalakip ang programa kontra korapsiyon at katiwalian ng tambalang Lacson-Sotto.

Ramdam mo sa kanya na manalo o matalo, wala siyang planong iwanan ang dalawang senador.

Sa mga nagtatanong kung sino ba si Guillor.

Tubong Tagkawayan, Quezon ang dating PNP official.

Pagka-graduate sa high school ay kaagad siyang hinikayat ng tatay niyang si Victor o Tatay Toni na pumasok sa Philippine Military Academy (PMA). Isang guerrilla sa World War 2 ang erpat ni Guillor at lagi namang nakasubaybay sa kanila ang nanay niyang si Victoria o Nanay Toyang.

‘Cum Laude’ nang mag-graduate sa PMA taong 1987.

Si Gen. Eleazar po ang nagtayo ng PNP Anti-Cyber Crime Group noong January 2016 kung saan hanggang ngayon ay marami nang nalutas na kaso na may kaugnayan sa cybercrime at mga online sexual exploitation ng kabataan.

Naging hepe ng Quezon City Police District (QCPD) na pinarangalan bilang Most Trusted Police District ng National Police Commission dahil sa malalaking accomplishments nito.

Noong April 2018, itinalaga siya bilang director ng PRO-4a o CALABARZON (PRO4A) at wala pang isang buwan ay na-assign agad bilang director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ang liderato nito sa NCRPO ang humakot ng maraming parangal sa 117th PNP Anniversary taong 2018 bilang Best Police Region hinggil sa matagumpay na giyera kontra illegal drugs at isa pang parangal na Best Region in Internal Cleansing.

February 2019 ay tumanggap si Eleazar ng Top Cavalier award for Police Operations noong PMA Alumni Homecoming sa PMA grounds, Baguio City.

Noong buwan ding iyon ay hinirang si Eleazar ng Metrobank Foundation sa kanilang Annual Awards for Continuing Excellence in Service (ACES) dahil sa hindi matawarang trabaho kontra kriminalidad at pagpapalakas ng relasyon sa komunidad.

Ang Civil Service Commission ay nagbigay parangal sa kanya bilang Presidential Lingkod ng Bayan for best Public Service in NCR noong July 2019 at noong 118th Police Service Anniversary, August 2019, ay muling tumanggap bilang Best Police Regional Office Award si Eleazar.

Tumanggap din siya ng parangal bilang Commander ng Joint Task Force Covid Shield noong August 2020 at tinanghal din bilang Commander of the Administrative Support for Covid Operations Task Force.

Ang Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines ay nagbigay pugay sa kanya sa pagbibigay ng Northern Maritime Frontier Campaign Medal and Ribbon dahil sa suportang ipinakita ng Police Maritime group.

Ginanap ito July 6, 2021 dahil sa pakikipagtulungan sa mga kapwa awtoridad sa pagsugpo ng piracy, human trafficking at smuggling.

Marami pang nakahahangang accomplishments si Guillor na dapat tingnan ng taumbayan.

Ang parangal na ito ang mga dahilan kung bakit dapat siyang pagkatiwalaan ng taumbayan para iboto at iluklok bilang senador ng bayan.

May dagdag tayong award para kay Guillor. Ito iyong Loyalty Award. Katapatan hindi lamang sa kanyang mga kaibigang sina Lacson at Sotto, kundi ang tunay na Katapatan nito para sa bayan.