Revilla SELFIE–Nag-selfie si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ng pangunahan ang pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development sa San Isidro Central School gym nitong Huwebes. Kuha ni Steve Gosuico

Sen. Bong gusto ibaba senior citizen age sa 56

April 13, 2024 Steve A. Gosuico 115 views

SAN ISIDRO, Nueva Ecija–Isinusulong ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang pagbaba senior citizen age mula 60 sa 56-anyos dahil malaking tulong ito sa mga lolo at lola sa pagkuha ng mga benepisyo sa mas batang edad.

“Ia-amend natin ang Senior Citizens Act. Pabababain natin ang edad at nasa committee level na iyan sa Senado,” pahayag ng senador.

Dumayo ang senador sa bayang ito para pamunuan ang food assistance program ng Department of Social Welfare and Development na nagkakahalaga ng P2,000 bawat isa sa 1,713 indigent beneficiaries sa San Isidro Central School gymnasium sa Brgy. Poblacion.

Mainit siyang tinanggap ni Mayor Florentino “Ante” Tinio, Fourth District Rep. Emerson “Emeng” Pascual, Vice Mayor John Carlo “JC” Patiag, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga opisyal ng barangay.

Sinabi rin niya na ang Nueva Ecija ang isa sa mga probinsya na pinakamalapit sa kanyang puso dahil sa kanyang yumaong kuya na si Ramon “Mon” Revilla Bautista na naging mayor ng San Leonardo.

“Ang Nueva Ecija napakalapit sa aking puso dahil sa aking kuya, the late Ramon Bautista dati siyang mayor ng San Leonardo, siya ang tumulong sa akin ng nag-produce pa lang ng Alega Gang, Alyas Pogi at Urbanito Dizon. Siya po ang kasama ko,” ani Revilla.

Bilang tugon sa mga panukalang palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay, sinabi ng senador na titingnan ito ng Senado sa gitna ng panukalang batas na inihain ni Sen. Imee Marcos.

AUTHOR PROFILE