Allan

Semi-automatic na armas sa sibilyan?

March 11, 2024 Allan L. Encarnacion 198 views

NAGBIGAY tayo ng wrong signal sa pag-upgrade sa aming mga sibilyan na makapagdala at makapag-ari ng semi-automatic na baril.

Hindi tayo tutol sa mga responsible gun owners at lalong hindi tayo nag-aalis ng karapatan sa sino man na maipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga kriminal.

Naniniwala pa rin tayo na maraming licensed gun owners ang responsable sa kanilang paghawak ng armas dahil bihira naman sila masangkot sa mga barilan nang walang kabagay-bagay. Mas marami pa rin ang kriminal na malayang nakakahawak ng armas na pagala-gala at hindi masakote ng ating mga awtoridad, lalo na kapag nakagawa na ng krimen.

Parang hindi lang bagay na nanawagan tayo ng mas mapayapang komunidad sa kaliwang kamay pero sa kanang kamay ay binibigyan natin sila ng mas malakas armas.

Iyon ngang makapag-ari ka ng ordinaryong armas ay isa nang pribiliheyo, patataasin mo pa ang kalibre at lalagyan mo pa ng makinang makapagpapabilis sa pag-release ng bala?

Kung ito’y paraan ng fund raising para mapataas ang pondo ng PNP, mukhang nagkakamali tayo ng ginawa. Kailan man ay hindi dapat pinapayagan ang sibilyan na makapag-ari ng automatic at high caliber firearms. Inuulit natin, walang masama mag-ari ng armas subalit kung puwede nga lang ay malimitahan ang klase ng puwede nilang ariin.

Hindi natin matatanggap na sa isang kisapmata ay may isang road rage na maglalabas ng automatic na armas at dahil sa tindi ng kanyang galit ay pauulanan ng bala ang kotse ng kanyang nakasagian sa kalsada.

Wala rin sa ating imahinasyon na isang tatay na mainit ang ulo nang magsumbong ang kanyang anak na na-bully sa paaralan ay bigla na lang papasok sa school campus at walang habas na mamaril kahit sino ang tamaan.

Mas gusto nating suportahan ang Oplan Paglalasag campaign ng PNP para malikom ang maraming loose firearms na hawak ng mga private army ng mga warlords at ibang pulitiko kaysa dito sa bagong polisiya para ownership ng high caliber semi-automatic firearms.

Alisin natin ang kutura ng utak-pulbura, lalo na sa mga taong nanghihiram ng yabang at lakas ng loob sa armas.

[email protected]