Sekyu kalaboso sa pag-amok gamit ang baril

April 25, 2022 Edd Reyes 80 views

HIMAS-rehas ang 46-anyos na sekyu o security guard makaraang dakpin ng mga pulis bunga ng umano’y pagwawala at walang habas na pagpapaputok ng baril Linggo ng hapon sa Malabon City.

Naaktuhan pa nina P/Lt. Archie Arceo, deputy commander ng Malabon Police Sub-Station 5 si Leonardo Munoz, security guard ng Sir Patrick Security Service at residente ng Phase 3, Gozon Compound, Bgy. Tonsuya habang bitbit ang service firearm niyang 1911 Cal. 45 pistol sa Gozon Compound dakong alas-2:35 ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Renz Marlon Baniqued na habang nagsasagawa ng Comelec (Commission on Elections) Checkpoint ang grupo nina Lt. Arceo sa malapit sa naturang lugar nang lumapit sa kanila ang isang concerned citizen at isinumbong ang pagwawala at pagpapaputok ng baril ng suspek.

Kaagad na nagresponde sa lugar ang pulisya at dito na nga dinakma nina P/Cpl. Christopher Chan at P/Cpl. Ruben Aquino III ang suspek habang bitbit ang baril na may magazine na naglalaman pa ng siyam na bala ng kalibre .45.

Nakuha rin ng pulisya sa lugar ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 pistola mula sa pinaputok na baril ng suspek.

Sinabi ni Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot na ipinagharap na nila ng kasong alarm and scandal, illegal discharge of firearm at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act in relation to Omnibus Election Code sa piskalya ng Malabon ang suspek.

AUTHOR PROFILE