Seaman timbog sa ‘rape’ ng 12-anyos na inaanak

April 25, 2022 Melnie Ragasa-limena 111 views

ARESTADO ang isang 56-anyos na seaman makaraang molestiyahin umano ang Grade 6 student na inaaanak sa loob ng guard house ng kanilang compound sa Barangay Tandang Sora, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Agad namang nadakip ang suspek na si Alexander Caban Buenavista, 56, may asawa, seaman, at residente ng Citadel Compound Jacqueline St., Bgy. Tandang Sora, Quezon City.

Sa report ng Talipapa Police Station (PS 3), ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8:45 ng gabi Abril 24 nang maganap ang insidente sa Guard House ng Citadel Compound Jacqueline St., Bgy. Tandang Sora, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Rodora Soqueña ng Women and Children Protection Desk ng PS 3, ang suspek ay “Godfather” o ninong ng biktima at magkatabi lamang ang kanilang mga tahanan.

Niyaya umano ng ninong ang 12-anyos na inaanak sa guard house malapit sa kanilang compound at doon ay minolestiya ng suspek ang biktima.

Nanlaban ang biktima pero ipinagpatuloy pa rin ng suspek ang kahalayang ginagawa nito sa inaanak at pagkatapos ay sinabihan pa ang dalagita na gawin nila uli bukas at bibigyan siya ng pera nito.

Umiiyak na umuwi ang biktima sa kanilang tahahan at agad na nagsumbong sa kaniyang ina na agad namang nagpasaklolo sa kanilang Barangay officials at naaresto ang suspek.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A 8353 o Anti-Rape law.