Robin

Robin, napa-‘Wonderful Tonight’ sa 41st year ng Viva at ‘Project Wall of Fame’ launch

November 12, 2022 Ian F. Fariñas 345 views

Viva

Viva1

BIGATING mga pangalan sa industriya ng telebisyon at pelikula ang sasalubong sa mga bisita ng Viva Group of Companies sa Tektite Building matapos pasinayaan ni Boss Vic del Rosario at iba pang executives ang Project Wall of Fame para sa selebrasyon ng 41st year ng kumpanya.

Forty-one black and white photos ng pawang Viva babies mula sa iba-ibang henerasyon ang babati sa inyo sa Wall of Fame gallery.

Kabilang dito sina Sharon Cuneta, Fernando Poe Jr., Vilma Santos, Sarah Geronimo, Regine Velasquez, Anne Curtis, Vice Ganda, the late Cherie Gil, Sen. Bong Revilla, Aga Muhlach, Herbert Bautista, Donna Cruz, Dawn Zulueta, Nadine Lustre, Yassi Pressman, Andrew E, ang yumaong aktor na si Dindo Fernando, Eddie Garcia, Leroy Salvador, composer na si Willy Cruz at marami pang iba.

Personal namang bumati sa Viva at kay Boss Vic ang number one senator at special guest na si Senator Robin Padilla na nanggaling pa umano sa Visayas.

Tinawag ni Sen. Robin si Boss Vic bilang “tatay” niya sa industriya dahil ito raw ang unang naniwala sa kakayanan niyang magbida sa pelikula noong mga panahon na siya’y kontrabida lamang sa mga movie niya.

Kwento ni Sen. Robin, “Alam n’yo ho nu’ng araw, kontrabida lang ako, eh. Si Boss Vic ang naniwala sa akin. ‘Pwede kang bida.’ Sabi ko, ‘Boss, ’di naman ako pogi, eh.’ ‘Di kailangan ng pogi. Ang kailangan may dating.’”

Salo naman ni Boss Vic sa aktor-politiko, “Malakas ang dating niya, ‘di ba?”

Kaya nga raw si Sen. Robin, ‘pag si Boss Vic ang nagpatawag, kahit nasaan siya ay siguradong darating siya.

Binalikan din ng senador ang panahong binisita niya ang film producer/starmaker para hingan ng payo sa pagtakbo niya sa pulitika.

Ang naging tanging payo raw sa kanya ni Boss Vic ay ‘wag magpanggap na siya’y isang politiko.

“Kailangan ipakita mo ‘yung tunay na Robin Padilla. Walang kaplastikan. ‘Wag kang magpakamatalino. Ipakita mo lang talaga na ang puso mo, nasa pelikula. Kaya, ayun po, wala akong ginawa, Boss, kundi kumanta lang. Tinalo ko silang lahat dahil sa Wonderful Tonight,” tsika pa niya sabay sabing, “at ngayon, I will Wonderful Tonight.”

Sa kakakantiyaw ng mga guest, nagpaunlak si Sen. Robin ng a capella sample ng original hit ni Eric Clapton.

Turan naman ni Boss Vic, “Maraming salamat, 41 years of Viva. Thank you, thank you. So, hopefully, more movies, more blockbusters and also siyempre, mga bago nating negosyo like Vivamax, ano pa ba? Viva Foods, Viva Kits tapos ‘yung ating digital. Siyempre, Vivamax Prime will be launched next year. Thank you sa lahat, 41 years, salamat.”

Samantala, kada taon ay siguradong madadagdagan pa ang mga litrato sa Wall of Fame na ang nag-curate ay ang Viva director na si Paul Basinillo.

AUTHOR PROFILE