Richard

Richard, pasabog ang pagbibidahang ‘Iron Heart’

November 12, 2022 Ian F. Fariñas 452 views

Pasabog na aksyon serye ang pagbibidahan sa unang pagkakataon ni Richard Gutierrez bilang Kapamilya sa bagong programa ng ABS-CBN Entertainment na Iron Heart na magsisimula bukas, Lunes, Nobyembre 14.

Makikilala rito si Apollo (Richard), isang taong may pambihirang lakas na pipiliing ibuhos ang kanyang panahon para sa misyong pabagsakin ang isang malaking sindikato.

Alamin ang mga sikretong kanyang malalaman tungkol sa sarili pati na rin ang kanyang iba pa niyang koneksyon sa kanyang misyon.

Ayon kay Richard, isang makabagong approach ng paggawa ng action series ang dapat abangan ng viewers sa programang pinangungunahan nina Direk Lester Pimentel Ong at Richard Ibasco Arellano.

“We wanted to do more hand-to-hand combat. A more modern approach in terms of cinematography. We wanted to show something different in terms of action. Matagal na akong hindi napapanood gumawa ng aksyon na ganito,” sabi niya.

Dalawang babae ang iibig sa kanyang karakter bilang Apollo. Isa na rito si Maja Salvador, na nagbabalik-Kapamilya sa serye para sa isang espesyal na role.

“Hindi siya bago sa ’kin pero sobrang importanteng ito because it’s ABS-CBN. Ang ABS-CBN ay ang ganda gumawa ng isang teleserye. Na-miss ko gumawa ng isang love story. Madali lang ako napapayag,” saad niya.

Samantala matapos naman ang success ng The Broken Marriage Vow kung saan tumatak ang pagganap niya bilang Lexy Lucero, sinabi ni Sue Ramirez na asahang mas daring ang kanyang karakter dito.

“I think masu-surpass nito ang pagiging daring ko sa last role ko. Not only the outfits as seen in the trailer but ibang iba yung character. Iba yung upbringing,” anang aktres.

Bukod sa intense action at all-star cast, isa rin sa mga dapat abangan sa serye ang pagbibida nito sa kagandahan ng Cebu kung saan gagawin ang buong serye.

Paliwanag ng creative head ng palabas na si Jay Fernando, “If they are the best characters or players of this game, Cebu is the best playground to do this show. You have the pristine beaches, the longest bridge, and high-rise buildings in one town.”

Mapapanood din sa seryeng hatid ng Star Creatives ng ABS-CBN sina Jake Cuenca, Albert Martinez, Dimples Romana, Pepe Herrera, Baron Geisler, Sofia Andres, Kyle Echarri, Diether Ocampo, Enzo Pineda, Althea Ruedas, Meryll Soriano at marami pang iba.

Huwag palampasin ang premiere ng palabas simula Nobyembre 14 (Lunes), 8:45 p.m., sa A2Z, Kapamilya Channel, TV5, Kapamilya Online Live on Facebook and YouTube, Jeepney TV at TFC IPTV.

ENGLISH DUBBING, SINIMULAN

Umarangkada na ang pag-dubbing ni Charo Santos sa wikang Ingles ng ilang episodes ng Maalaala Mo Kaya (MMK) para sa pagpapalabas nito sa 41 na bansa sa Africa simula Enero 2023.

“Nakakatuwa kasi yung mga istorya ng MMK ay talagang mag-reresonate sa African viewers dahil may mga similarities ang ating experiences at values,” pahayag ni Charo.

Higit 20 na istorya ng tunay na buhay ng ordinaryong Pilipino at celebrities ang napili ng Star Times sa Africa para i-dub sa Ingles.

Nais din ni Charo na makapag-dub sa iba’t bang wika kagaya ng French, German, Vietnamese at Korean para mas makilala ang mga palabas ng Pilipinas sa buong mundo.

“Gusto ko rin sanang mag-dub in Korean, why not, ‘di ba? Para ‘yung Filipino content naman ang i-export natin sa South Korea, hindi lang K-dramas ang dumarating dito,” dagdag ni Charo.

Malaki ang tiwala ng MMK host at dating president ng ABS-CBN na kayang-kaya ng Pinoy content na makipagsabayan sa international stage.

Napapanood din ang MMK sa himpapawid bilang in-flight entertainment program ng mga international airlines tulad ng Etihad Airways, Royal Brunei Airlines at Saudi Arabian Airlines.

AUTHOR PROFILE