Quantum

Quantum-GMA co-prod, kasado na

August 2, 2022 Ian F. Fariñas 310 views

KASADO na rin ngayong Agosto ang unang collaboration sa TV ng GMA Network at Quantum Films, ang What We Could Be, na iere sa GMA Telebabad.

Swak na swak sa millennials at buong pamilya ang seryeng pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix, Yasser Marta at Ysabel Ortega mula sa award-winning director na si Jeffrey Jeturian.

Punumpuno ng pag-asa at pagmamahal sa pamilya si Cynthia (Ysabel) na nagtatrabaho bilang nurse. Pero hindi pa rin niya binibitiwan ang pangarap na maitayong muli ang nasunog na bakery ng pamilya.

Sa kasaamang-palad, male-lay-off si Cynthia sa trabaho ngunit sa tulong ng kaibigang si Victor o Ate V, mairerekomenda siya bilang home care kay Lola Onor.

Nu’ng una, masungit si Lola Onor pero kalauna’y magkakasundo sila ni Cynthia.

Ituturo pa nito sa dalaga ang recipe ng kilala sa bayang tinapay na gawa niya, ang pan de honore.

Magtutulong ang dalawa para matupad ang pangarap ni Cynthia na mabuo muli ang bakery ng pamilya.

Pero sa kasamaang palad, hindi na ito maaabutan ni Lola Onor dahil sa pagpanaw nang maaga.

Magugulat naman si Cynthia nang malaman na ginawa siyang tagapagmana ni Lola Onor.

Dito na maglalabasan ang mga sagabal kay Cynthia pero susuportahan siya ng kanyang pamilya at ng bagong kaibigan na si Lucas (Yasser Marta).

Puno ng kilig at good vibes ang What We Could Be na magsisilbing inspirasyon sa pagtupad ng mga pangarap at paghahanap sa tamang taong mamahalin.

Kilala ang Quantum Films sa paggawa ng box office at award-winning movies gaya ng English Only Please, #Walang Forever at iba pa.

Kasama nina Ysabel, Yasser at Miguel sa cast sina Aleck Bovick, Soliman Cruz, Joyce Anne Burton, Art Acuna, Joel Sarracho, Vince Crisostomo, Bimbo Bautista, EJ Jallorina, Lia Salvador, Pamela Pinster, Hailey Mendez with the special participation of Celeste Legaspi as Lola Onor.

AUTHOR PROFILE