Default Thumbnail

Puwede nga kayang ‘Sen. Eleazar?’

September 10, 2021 Paul M. Gutierrez 291 views

PaulSA ginanap na ‘virtual/Zoom edition’ ng lingguhang ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) kahapon, araw ng Biyernes, panauhin natin sina MMDA EDSA ‘Traffic Czar’ Col. Bong Nebrija at DOST undersecretary for regional operations, Sancho Mabborang.

At natutuwa naman tayo na sa kabila ng pandemya, patuloy na ginagampanan ng DOST ang trabaho nitong makatulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng ‘Science for the People’ slogan ni Sec. Fortunato dela Peña.

Sa totoo lang, isang malaking dahilan kung bakit hindi umaasenso ang ‘Pinas ay dahil na rin sa katotohanan na isa ang DOST ang isa sa mga ‘most neglected government department’ kung alokasyon ng pondo mula sa gobyerno at Kongreso ang pag-uusapan.

Ito ay sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan na siyensa at teknolohiya ang sadya nating kailangan upang umunlad ang ating bansa— masdan na lang ang ambag ng ‘Science & Technology’ sa mabilis na pag-asenso ng ating mga kapatid-bansa, partikular na ang China.

Kaya nga “bilib” tayo dito kay Sec. Dela Peña dahil nga kahit kakarampot palagi ang pondo ng DOST, nagsusumikap pa rin ang kanyang tanggapan na maipaabot sa pinakamaraming bilang ng mga Pinoy ang mga benepisyo ng modernong siyensa.

Mabuhay ka, Secretary Dela Peña, and may the likes of you continue to increase!

Samantala, sadyang napakaraming “pasaway” sa ating mga kababayan, partikular na dito sa Metro Manila, kung saan kahit nagdudumilat ang mga ‘signboard’ na nagsasabing “bawal tumawid” at ‘No Jaywalking’ sa kahabaan ng EDSA, ginagawa pa rin ng mga walang disiplina.

Ang masakit naman pala, walang awtoridad ang MMDA na “hulihin” at parusahan ang mga pasaway dahil nga hindi ‘deputised’ ng Metro Manila Council ang mga ‘traffic enforcers’ ng MMDA na manghuli sa mga ‘jaywalkers’ at iba pang mga pasaway.

Ayon pa kay Nebrija, dahil sa katotohanang ito, ang tangi nilang magagawa ay “pangaralan” (read: sermonan) ang mga makukulit at mga pasaway, ahahay!

Sadyang delikado, dahil banta sa buhay, ang pagtawid sa EDSA. Partikular ngayon na bumilis na ang daloy ng trapiko dito, eh, talagang “swak sa kahon” (kabaong) ang sasadlakan ng mga matitigas ang ulo.

At kuwidaw sa mga “ogags” din na mga traffic enforcer ng MMDA. ‘Big Brother’ (Nebrija) is always watching you!

Abangan!

***

Dahil sa kanyang napakagandang ehemplo bilang lider ng PNP, aba’y dumarami pala, DILG Secretary Eduardo M. Año, ang nag-uudyok kay Chief PNP, P/Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar, na tumakbo siyang “senador” sa 2022 elections!

Ang ‘problema’ nga lang, sa Nobyembre pa ang pormal na pagreretiro ni Gen. Guillor— kung hindi siya bibigyan ng ‘extension’ ni Sec. Año at PDU30– samantalang sa susunod na buwan, Oktubre, ang paghahain ng mga kandidato na kanilang ‘COC’— certificate of candidacy.

Sa ganang atin, eh, hamak namang mas maraming ‘credentials’ itong ating kaibigan na maging senador, kumpara sa ibang mga kandidato at sa mga nakaupo na ngayon sa Senado.

Matalino, masipag, propesyunal, ‘disciplinarian’ at sadyang may prinsipyo at paninindigan. Napakagaling pang kaibigan!

Pansinin na sa kanyang pag-upo bilang ‘Chief PNP’ noong Mayo, muling “bumango” ang PNP sa ating publiko.

At bakit naman hindi, samantalang wala kang maipipintas sa mahabang rekord ng paglilingkod sa publiko at sa bayan ni Gen. Eleazar.

At kung naghahanap pa ng mga kandidato sa Senado ang ating mga partido-pulitikal, eh, bakit kung saan-saan at sino-sino pa ang iniisip ninyo, samantalang ‘andyan lang si Gen. Eleazar, aber?

Translation? Natitiyak nating ano man ang maging plano ni Gen. Eleazar sa mga darating na araw, “babaha” ang suporta sa kanya.

At kasama tayo dun, siyempre pa!

Abangan!

AUTHOR PROFILE