Default Thumbnail

Isolation para sa IATF, DILG, MMDA at DOH!

September 10, 2021 Allan L. Encarnacion 558 views

Allan EncarnacionHINDI mauunawaan ng mga nasa gobyerno ang damdamin ng mga negosyante, maliit man o malaki, kaya para silang mga tsubibong paikot-ikot sa mga desisyon ng quarantine status, lalo na sa Metro Manila.

Alam nating hindi madali ang trabaho ng mga nasa IATF at ng mga nasa DOH pero hindi rin naman mahirap magkaroon ng synchronized o nagkakaisang tinig tungkol sa kanilang mga plano.

Unang-una, para kayong mga parrot na nagsisigawan na ililipat na sa GCQ ang NCR ilang araw pa bago matapos ang MECQ. May mga sinasabi po kayong granular lockdown na lamang ang paiiralin at hindi na magkakaroon ng hard lockdown on a massive scale para umayos na ang takbo ng negosyo at magkaroon na ng trabaho ang marami nating kababayan na ginutom ng pabago-bago nyong desisyon.

Kaliwa’t kanan ang press releases ng DILG at mga interview ni MMDA Chair Benhur Abalos na sinasabing patungo na sa GCQ ang Metro Manila kaya marami ang umasa na.

Kaya nga ang mga restaurant owners at iba pang negosyo ay nagkandakumahog sa pagbili ng mga supplies, pinatawag ang lahat ng empleyado, iyong ibang mga nasa probinsiya pinaluwas pa para sa pagbubukas ng mga negosyo.

Ang mga nawalan ng trabaho ay nagsipaghanda na rin at tumaas ang moral na simula September 8 ay makababalik na sila sa hanapbuhay. Kinalma na ang mga nagugutom na mga anak at handa nang sumabak sa pagbabanat ng buto.

Ang problema, isang araw bago ang sinasabing shift from MECQ to GCQ, biglang bawi ang IATF at national government. Balik sa MECQ, inilibing nang buhay ang nauna nilang pinagkakalat na GCQ.

Ano ba kayong mga taga-IAFT at DOH, MMDA at DILG, mga tsimoso’t tsismosa lang na kung anong maisipan ay ikukuwento kapag nasa harap ng mikropono? Hello, mga edukado kayo, mga policy makers kayo, hindi lang kayo mga nakasando’t labas ang kuyukot na nag-iinuman lang sa kanto!

Hindi nyo man lang ba mabaril ng glue gun ang inyong mga bibig habang hindi pinal ang inyong plano? Alam namin na ang paramount consideration dito ay ang pagpigil na lumaganap ang covid19 kaya nga palagi kaming handang sumunod sa inyong mga patakaran.

Kahit nga siguro sabihin nyong dapat nakasuklob ang bayong sa ulo pag lumabas kami ay gagawin namin kung yan ang national policy na gusto nyo! Pero ang hinahanap namin sa inyo ay ang magkakaisang tinig at marunong magselyo ng inyong mga bibig habang hindi pa pinal ang desisyon.

Kung hindi sana kayo mga parang dalahirang pinakain ng puwet ng manok, wala sang mamimili ng mga supplies sa mga restaurant para mapaghandaan ang GCQ na ikakambiyo nyo rin pala sa MECQ!

Kung hindi kayo nahihiya sa pabago-bagong kilos n’yo, aba’y sana naman maawa kayo sa ating mga kababayan na mistulang pinaglalaruan nyo sa inyong mga palad!

Kung hindi nyo rin lang kayang magkaisa at magkaroon ng iisang tinig, magsilayas na kayo sa inyong mga posisyon!

Kayo atang mga taga-IATF, DOH, MMDA at DILG ang dapat naka-isolate pora magkaroon tayo ng matindong sistema.