Default Thumbnail

Prankster sa LRT-1 arestado

February 12, 2023 Jonjon Reyes 277 views

Sa bisa ng Anti-Bomb Joke Law

NASAMPOLAN ng ipinatutupad na Anti-Bomb Joke Law ang isang 31 anyos na lalaki makaraang damputin dahil sa pagsigaw ng tatlong beses na “May bomba!” sa southbound lane ng Pedro Gil Station ng Light Rail Transit-1 (LRT-1) sa Taft Avenue, Ermita, Manila nitong Biyernes ng hapon.

Nakilala ang suspek sa alyas “Nard,” isang binatang residente ng Barangay Rivera, San Juan City.

Ayon sa ulat na nakarating kay Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, commander ng Manila Police District-Ermita Police Station 5, pasado alas 5:25 ng hapon nang magkaroon ng tensiyon sa may LRT-1 sa nasabing lugar.

Pagbungad pa lamang umano ni alyas “Nard” sa LRT-1 ay nagsisisigaw na ito ng “May Bomba!” ng tatlong beses.

Dito na umano nagpanik at nagkaroon ng tulakan sa mga pasahero, kasabay ng pagiwas ng suspek, kaya hinabol ni Edison Ilac, security ng LRT-1, ang suspek at saka humingi ng tulong sa mga nakatalagang pulis sa Pedro Gil Assistance Desk at mga tauhan ng Paco PCP. Dito na umano binitbit ang suspek.

Alibi ng suspek na nag-paprank lamang umano ito, pero desidido si Ilac na sampahan ito ng kaso dahil ang kaniyang ginawa ay nagdulot ng matinding takot sa mga pasahero ng LRT-1.

Kaya matapos isailalim sa physical examination sa Philippine National Police-National Headquarters Crime Laboratory-Forensic Group Medico Legal Division, ang suspek ay dinala na sa nasabing himpilan ng pulisya upang harapin ang kasong paglabag sa Presidential Degree 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law.

AUTHOR PROFILE