Default Thumbnail

4 na holdap suspek arestado sa Las Pinas

February 12, 2023 Edd Reyes 266 views

APAT na lalaking sangkot sa insidente ng panghoholdap ang bumagsak sa kamay ng pulisya matapos unang madakip ang dalawa sa ikinasang “Oplan-Sita” ng pulisya sa Las Piñas City.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Las Piñas police kaugnay sa programang S.A.F.E. NCRPO ni Regional Director P/MGen. Jonnel Estomo sa kahabaan ng Luningning Subdivision, Brgy. Talon 4 ng Sabado ng hapon nang parahin nila ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo dahil kapuwa walang suot na helmet.

Sa halip huminto, tumakas palayo ang dalawa kaya’t tinugis sila ng mga nakamotorsiklong tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) hanggang sa ma-korner sa hindi kalayuan sa naturang subdivision.

Nang kapkapan, nabawi sa driver ng motorsiklo na nakilalang si Arju Palomata, 24, ang isang kalibre .38 revolver na may apat na bala habang isang patalim naman ang nakuha sa angkas niyang si Jerome Marquina, 25.

Ang minamanehong motorsiklo na walang plaka na gamit umano ng mga suspek sa panghoholdap ay kinumpiska rin ng pulisya bilang karagdagang ebidensiya laban sa kanila.

Nang dalhin ng mga tauhan ng TMRU sa Talon Sub-Station ang dalawa, kaagad silang nakilala ni Edward Molina, 32, na kasalukuyang nagpa-follow-up ng nangyaring panghoholdap sa kanya ng apat na lalakim kabilang ang dalawang nadakip, dakong ala-1 ng madaling araw noong Biyernes sa Mangga St. Talon 5 sa naturan ding lungsod.

Nakuha sa biktima ng mga holdaper na sakay ng motorsiklo ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P10,000.00, P5,000.00 halaga ng relos at P800 cash.

Nang isailalim sa interogasyon ang dalawa, inamin nila ang panghoholdap at itinuro ang kinaroroonan ng dalawa pa nilang kasama kaya’t kaagad ding iniutos ni Las Piñas police chief P/Col. Jaime Osit Santos ang pagsasagawa ng follow-up operation.

Nadakip naman ng pulisya ang dalawa pa na nakilalang si Julio Czar Omahoy, 31, na nakuhanan pa ng kalibre .38 revolver na may apat na bala at Lenn Cañete, 31, na nakumpiskahan ng isang patalim.

Kahit nabigo ang pulisya na mabawi pa sa apat na suspek ang tinangay ng gamit at salapi ng biktima, sinampahan pa rin sila ng mga kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act, paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon at robbery in band sa piskalya ng Las Pinas City.

AUTHOR PROFILE