Tess Lardizabal

PNR tigil muna MM operasyon upang mapabilis konstruksiyon ng NSCR

March 8, 2024 Tess Lapuz-Lardizabal 219 views

ITITIGIL pansamantala ng Philippine National Railways (PNR) ang operasyon nito mula Gov. Pascual-Tutuban hanggang Tutuban-Alabang upang mapabilis ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway project sa Metro Manila. Ang pagtigil sa operasyon ay magsisimula sa Marso 28, 2024.

Sa panahon ng pagtigil sa operasyon ng PNR sa MM, mapapabilis ng walong buwan ang konstruksiyon ng NSCR, at makakatipid ng hindi bababa sa P15.18 bilyon mula sa proyekto.

Ayon kay Department of Transportation Secretary (DoTR) Jaime Bautista, isasara ang mga serbisyo ng PNR upang tiyakin na ligtas ang mga pasahero habang isinasagawa ang konstruksiyon ng NSCR.

Nag-ayos din ng mga alternatibong mga ruta ng bus upang magbigay serbisyo sa mga pasahero na maapektuhan sa panahon ng pagtigil ng PNR.

Inaasahang susunduin ng mga bus sa ruta ng Tutuban papuntang Alabang at vice versa ang mga pasahero malapit sa kasalukuyang ruta ng PNR.

Ang mga bus sa ruta ng pababa papunta sa Timog ay daraanan ng Divisoria (Tutuban), Mayhaligue St., Abad Santos Ave., Recto Ave., Legarda St., Quirino Ave,. Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Ave., Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall).

Ang mga bus sa ruta ng pataas papunta sa Norte ay daraanan ang Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (entry), SLEX, Bicutan exit, Bicutan entry, Nichols exit, Osmeña Highway, Quirino Ave., Legarda St., Recto Ave., Abad Santos Ave., Mayhaligue St., at Divisoria (Tutuban).

Ang mga biyahe ng bus sa ruta ng Tutuban-Alabang ay magsisimula sa 7:30 a.m., 9:10 a.m, 3:00 PM, 3:20 PM, 7:30 PM, at 9:00 PM.

Samantala, ang mga biyahe ng bus sa ruta ng Alabang-Tutuban ay magsisimula sa 5:00 AM, 6:30 AM, 11:00 AM, 11:45 AM, 5:00 PM, at 6:10 PM.

Inaasahang mapapababa ng NSCR, ang makabagong 147-kilometrong linya ng riles sa Pilipinas, ang travel time mula Clark, Pampanga, hanggang Calamba, Laguna ng hindi bababa sa dalawang oras. Sa inaasahang kakayahan na mag-accommodate ng 800,000 pasahero kada araw, ang NSCR ay magpapaluwag sa trapiko sa Metro Manila, at magpapalakas ng paglago sa ekonomiya sa lahat ng mga lungsod at bayan na dadaanan nito.

Opinion

SHOW ALL

Calendar