Allan

Libu-libong kaso ng rape

March 8, 2024 Allan L. Encarnacion 288 views

31,677 RAPE cases sa loob ng isang taon. Nangyari ito taong 2021.

Hindi ito pangkaraniwang numero. Siyamnapu or 90 rapes per day o isang babae ang nagagahasa sa loob ng 18 minutes.

Noong 2012, isang 23-year-old psychotherapy student ang ginahasa at pinatay ng grupo ng mga kalalakihan.

Nito lang isang araw, inatake ng walong lalaki ang mag-asawang Spanish tourists na nasa camping site. Binugbog ang mister at iginapos habang ang misis nito ay halinhinang pinagsamantalahan ng grupo.

Parehong buhay na iniwanan ang mag-asawang turista subalit parehong pasa-pasa sa buong katawan. Tatlo sa mga rapist ay naaresto na, ang lima ay pinaghahanap pa rin ng pulisya.

Ang mga insidente ng panggahasang ito ay hindi dito sa Pilipinas. Sa India ito. Sa biglang tingin, wala tayong kinalaman na mga Pinoy sa mga kasong ito. Pero hindi tayo dapat magpikit-mata sa mga insidenteng sa ating pananaw ay wala tayong anumang kinalaman.

Kapag nagsimula na tayong hindi makialam sa nangyayari sa ating kapwa saan mang panig ng mundo, doon na nagsisimulang bumaba ang ating pagkatao. Ang krimen, lalo na sa babae na ganito ang magnitude ay pagyurak na sa sangkatauhan.

Katulad din yan ng pang-aabuso ng ating mga kapitbahay sa ating kapwa. Hindi tayo kumikibo dahil hindi tayo ang biktima. Wala tayong pakialam at wala tayong ginagawa dahil hindi natin anak o kamag-anak ang biktima. Kaya sa mga oras na ikaw na mismo ang dumaranas ng krimen na hindi mo pinansin noong una, wala nang magawa ang lahat, wala ka na ring magawa kasi naging kultura na ito sa iyong paligid.

Bagama’t hindi kinukunsinti ng pamahalaan ng India ang ganitong klase ng krimen, naroon pa rin ang katotohanang nagiging kultura na ng ibang lalaki doon ang maging mapagsamantala sa mga kababaihan. Paulit-ulit itong nangyayari sa India kahit mas tinaasan pa nila ang sentensiya sa rape case.

Gusto nating bigyang-diin na kumikilos ang Indian government sa ganitong mga kaso at patuloy nilang pinalalakas ang kampanya laban sa pang-aabuso sa mga kababaihan.

Ayon sa ulat, ang mahigit tatlumpung libong kaso ng rape ay officially recorded at reported, hindi pa kasama rito ang mga kaso ng mga pagsasamantala sa kababaihan doon na hindi na nagreport dahil sa takot, trauma or pangamba na malantad sa publiko ang kanilang sinapit.

Walang puwang sa sibilisadong bansa ang ganitong klase ng kultura ng pagsasamantala sa mga kababaihan. Ang paglaki at patuloy na pagdami ng kaso ng rape sa India or saan mang panig ng mundo ay hindi pagpapakita ng superioridad ng mga lalaki kontra sa babae. Bagkus ay naglalantad ito ng kahinaan at kahayupan ng ibang lalaki.

Kawalan ito ng respeto at pagkawala ito ng dignidad bilang tao. Mahigpit nating kinokondena ang mga insidenteng ito sa India at nanawagan tayo ng mas malakas na batas para proteksiyunan ang hanay ng mga kababaihan sa buong mundo.

Ang buwan ng Marso ay buwan ng mga kababaihan. Atin silang ipagbunyi, at silang irespesto. Hindi lang sila ilaw ng ating mga tahanan, ang mga kababaihan ang ating inspirasyon at nagbibigay ng direksiyon sa buhay nating mga kalalakihan.

Happy International Women’s month sa lahat ng babae sa buong mundo.

Mabuhay ang hanay ng kababaihan. We love you 3x a day!

[email protected]