Pokwang

Payo ni Pokwang sa mga kapwa artista: Don’t burn bridges

October 1, 2021 Ian F. Fariñas 397 views

ISA ang komedyanang si Pokwang sa masusuwerteng artista na hindi nawawalan ng proyekto mula nang maging certified Kapuso.

Mula sa iba’t ibang guestings sa GMA shows tulad ng Dear Uge, All-Out Sundays, The Boobay and Tekla Show at kung anu-ano pa, heto at siya naman ang featured star sa Daig Kayo ng Lola Ko presents It’s Not You, It’s Me na magsisimula nang mapanood bukas, October 3.

Makakasama ni Pokwang sa nasabing month-long feature sina Shanelle Agustin, Maey Bautista, Tonton Gutierrez at Paul Salas, na nakatrabaho na rin niya noong nasa Kapamilya channel pa siya.

Anyway, malaki ang pasasalamat ng comedienne na kahit ngayong pandemic, eh, may mga pintong nagbubukas pa rin para sa mga artistang gaya nila.

At dahil tipong nagri-rigodon nga ang mga artista kung saan merong trabaho, sinabi ni Pokwang na makabubuting, “Dont burn bridges.

Napakaliit po ng industriyang ito. Napakaliit ng industriya, dapat tayo ay kaibigan mo siya, kaibigan, i-friend mo lahat.

Kasi ako, nagulat ako nu’ng birthday ko, siyempre, Kapuso na po ako, ’di ba? Nagulat ako na may mga boss pa rin po ako sa kabila na nagpadala ng bulaklak, na naggi-greet sa akin. So, ibig sabihin wala po akong masamang tinapay. Salamat po, dapat ganu’n po tayo. And kasi kagaya ng sinabi ko, napakaliit lang po ng mundong ginagalawan natin, ’di mo alam kung sino ang makakatrabaho mo ngayon, bukas, sa darating na ano, ’di ba? So, dapat friend ka sa lahat, ayun.”

Bet nga raw ni Pokwang ang family-oriented projects gaya ng It’s Not You, It’s Me feature ng Daig Kayo ng Lola Ko dahil pamilya ang pinakaimportante lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Eventually, may iba pang projects na nakalaan sa kanya ang Kapuso network, pero hindi pa siya allowed na mag-elaborate rito.

Ang dami pa nga raw niyang type makatrabaho sa mga GMA star at ilan sa mga ito sina Ai-Ai de las Alas, Jennylyn Mercado, Marian Rivera at Alden Richards.

“Ang dami ko pang gustong makasama pati na ’yung mga bagets na promising naman talaga,” hirit pa niya.

Samantala, ang It’s Not You, It’s Me ay sa ilalim ng direksyon ni Rico Gutierrez.

AUTHOR PROFILE