Patuloy na pagtaas ng bilihin mahirap mapigilan

April 17, 2022 Vic Reyes 53 views

Vic ReyesSA kagustuhang makalikom ng dagdag na pera at maiwasan ang port at yard congestion sa aduana ay dinidispatsa ng Bureau of Customs (BOC) ang mga overstaying na kargamento.

Ayon sa mga regulasyon, ang laman ng mga overstaying containers ay ipinagbibili sa pamamagitan ng subasta, ibinibigay na donasyon sa mga piling opisina at organisasyon o sinisira.

Sa unang tatlong buwan ng 2022 ay nakakolekta ang ahensya ng mahigit P80 milyon sa pag-auction ng 96 na overstaying containers sa iba’t -ibang collection districts sa bansa.

Ang mga isinubastang container, na kabilang sa 304 overstaying cargoes, ay naglalaman ng iba’t -ibang inangkat na produkto na kagaya ng bigas at galvanized steel.

Ayon sa BOC, 38 containers na naglalaman ng mga mapapakinabangan pang produkto ay ibinigay bilang donasyon sa iba’t ibang ahensiya.

Ang natitirang 170 containers, na naglalaman ng mga ukay-ukay (used clothing), nabubulok na pagkain, used oil at segunda-manong furniture, ay sinira na lang.

Sa ilalim ng Customs Aministrative Order 17-2019, ang mga kargamento na hindi inilabas sa loob ng 30 calendar days mula sa pagkabayad ng duties, taxes at iba pang bayarin ay considered na abandonado.

Dito na nagde-desisyon ang BOC kung paano idi-dispose ang mga abandonadong kargmento. Puwedeng ipagbili sa pamamagitan ng public auction.

O puwede ring ipamigay na donasyon o i-condemn.

Ginagawa nina Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ang lahat para mapaganda ang serbisyo ng tinaguriang “snake-infested waterfront.”

Ito ay kahit patapos na nga ang anim na taong administrasyon ni Pangulong Duterte sa darating na Hunyo 30.

Sa katunayan ay pipiliin na ng mga rehistradong botante, na may kabuuan na 67.5 milyon, sa Mayo 9 ang papalit kay Pangulong Duterte sa Palasyo ng Malakanyang.

***

Hangga’t hindi natatapos ang madugong giyera sa pagitan ng ng Russia at Ukraine ay hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Lalo na ang pagkain at iba pang essential commodities. Ang mahirap dito, marami pang walang trabaho sa bansa dahil hirap pa ang maraming kompanya.

Hindi sila basta makakuha ng mga dagdag na empleyado at hindi rin sila basta makapagbigay ng salary increase.

Ayon nga sa ilang negosyante, baka tuluyan na silang magsara kung itataas ng gobyerno ang minimum wage ng mga empleyado sa pribadong sektor.

Sa totoo lang, talaga namang kailangang itaas ang sahod pero saan naman kukuha ng pera ang mga nahihirapang business establishments para pagbigyan ang kahilingan ng mga empleyado?

Maraming bangkaroteng kompanya. Dalawang taon ba namang paralisado ang buong mundo, kasama na ang Pilipinas, dahil sa bagsik ng COVID-19.

Sa Pilipinas, ubos na ang pera ni Juan dela Cruz.

Malaki ang ginagastos ng gobyerno para lang matugunan ang mga pangangailangan ng taumbayan.

Ang masakit, may mga ulat pa ng korapsyon at katiwalian sa ilang ahensiya ng gobyerno.

Kaya nga talagang hindi natin masisisi si Pangulong Duterte kung may mga tinanggal siyang matataas na opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa korapsyon.

At hindi na tayo magugulat kung meron pang kakalusin sa gobyerno bago umalis sa Malakanyang si Duterte.

***

Sa nakikita natin ay parang balik na tayo sa dati nating pamumuhay.

Ang nagbago lang ay ang nakikita nating pagsusuot ng maskara sa labas ng tahanan. Maliban dito ay mukhang “back to normal” na ang sitwasyon sa buong bansa.

Pero kagaya nang sinasabi ng marami, huwag tayong magpakakampante dahil nasa paligid pa natin ang nakamamatay na COVID-19.

Huwag tayong gumaya sa ibang bansa na kung saan nagwawala na naman ang nakatatakot na virus dahil siguro sa kawalan ng disiplina ng mga mamamayan.

Ang siste, naghigpit na naman ang mga otoridad sa mga bansang ito para lang makontrol ang pagkalat ng sakit na ito na nagmula pa sa Wuhan, China.

Huwag sanang mangyari sa atin ang mga nangyayari sa mga bansang pinahihirapan na naman ng COVID-19.

Siguro, wala namang mawawala sa atin kung lagi tayong sumusunod sa mga health at safety protocol na ipinapatupad ng mga otoridad sa buong bansa.

Tama ba kami, Health Secretary Francisco Duque?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/ email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE