BBM-Sara handang iabot kamay nila sa mga kalaban

April 17, 2022 Erwin Tulfo 65 views

TulfoILANG araw na lang at eleksyon na pero milya-milya pa rin ang agwat nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa pagkapangulo sa mga kalaban.

Si Davao City Mayor Sara Duterte na katandem ni BBM ay malaki ang lamang sa mga katunggali nito para sa pagka bise-presidente.

Sa latest Pulse Aska survey ay lamang si BBM kay VP Leni Robredo ng higit 30% pa rin at si Sara ay ganun din ang lamang kay Senator Tito Sotto.

At base sa impormasyon na nakalap ko kamakailan, lamang din ng 30 % si BBM at Sara sa mga kalaban nila sa lalabas na Social Weather Station (SWS) survey anumang araw ngayon.

Ayon naman sa isang insider, patapos na ang Octa research survey na ginawa nitong unang linggo ng Abril at lamang si BBM at Sara sa kanilang closest rival by over 30 percent.

Ayon sa mga political analysts ito ang kauna-unahan sa kasaysayan sa halalan sa Pilipinas na ang frontrunner o nangunguna sa karera bilang pangulo ay lumagpas sa 30% ang lamang sa kalaban.

Tingin ng mga eksperto mahihirapan ng makahabol sina Leni, Isko, Pacquiao at Lacson kay BBM dahil higit tatlong linggo na lang at eleksyon na.

Ganun din ang pananaw ng mga dalubhasa sa pulitika na mahihirapan na ang mga kalaban ni Sara sa pagka-VP

Ayon sa ilang political analysts dapat ay maghanda na sina BBM at Sara na iabot ang kanilang kamay sa mga kalaban para sa pagkakaisa tungo sa pag-ahon ng bansa sa pandemya at ekonomiya.

Pero ayon sa aking impormante sa loob ng BBM-Sara UniTeam, matagal ng inaabot ng dalawa ang kanilang mga kamay para makipagkasundo sa mga katunggali manalo o matalo man sila.

Ang problema sa halip na abutin din ang kamay nila kina BBM at Sara ay dinedma ito ng mga kalaban at hinanapan pa sila ng mga intriga at pagkakamali.

Gayunpaman, handa pa rin daw si BBM, ayon sa aking source, na makipag-usap sa mga kalaban ngayon para pag-usapan at hingin ang kanilang mga opinyon o ideya tungo sa pag-ahon na bansa at ng sambayanan sa mga problema na dinulot ng dalawang taon na corona virus pandemic.

Pero tila hindi matanggap ng mga katunggali nina BBM at Sara na malaki na ang tsansa na mananalo ang dalawa lalo pa’t hindi naman lumiliit ang kanilang lamang sa mga kalaban at palapit ng palapit na ang araw ng halalan.

AUTHOR PROFILE