Default Thumbnail

Patay na sanggol, nakitang nakabara sa drainage

September 20, 2022 Jonjon Reyes 311 views

NADISKUBRE ang isang patay na sanggol na nakasiksik sa daluyan ng tubig sa Barangay 385 Quiapo, Maynila, nitong Martes ng umaga.

Bandang 8:30 ng umaga, nang bumulaga sa mga residente sa Bautista Street sa Quiapo ang nakadapang sanggol na nakasiksik sa loob ng drainage.

Ayon sa salaysay ng isang construction helper na taga-Sampaloc, Maynila sa Manila Police District (MPD) Homicide Section, naglilinis siya at ang kanyang kasamahan sa baradong drainage at inidoro sa isang building sa Bgy. 385 sa Quiapo.

Habang isinasagawa nila ang paglilinis gamit ang mahabang “plehe” (metal na lubid), dito na nila nadiskubre ang patay na sanggol.

Dahil dito, ipinagbigay alam nila ito sa isang tindahan na nangungupahan sa building.

Nagreport umano ang nakatokang babae sa tindahan sa kanilang barangay at saka nila ito inireport kay P/Lt. Col. Ramon Nazario kaya’t agad namang inatasan ang mga operatiba ng MPD Barbosa Police Station 14 para ikordon ang lugar habang inaantay ang mga imbestigador ng homicide section.

Gayunman, pansamantalang inilagak sa morge ng isang punerarya ang sanggol habang sinisikap ng mga awtoridad na alamin kung sino ang dapat managot sa insidente.

AUTHOR PROFILE