Default Thumbnail

Mayor Honey, lumahok sa ‘Dalaw Patron’

September 20, 2022 Edd Reyes 306 views

PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pag-aalay ng bulaklak sa imahe ng Mahal na Inang Maria, kasabay ng pagbibigay-pugay sa kabunyiang Miguel de Benavides na isa sa mga unang Arsobispo ng Maynila sa ginanap na “Dalaw Patron” ng Santisimo Rosario sa harap ng Manila Cathedral araw ng Lunes sa Intramuros, Maynila.

Ang “Dalaw Patron” ay isinagawa bilang paghahanda sa ika-80 anibersaryo ng pagkakatatag ng Parokya ng Santisimo Rosario na nasa loob ng itinuturing na pinakamatandang pamantasan sa buong Asia, ang University of Santo Tomas (UST), at pinakamalaking unibersidad ng mga Katoliko sa buong mundo sa dami ng mga estudyante na itinatag noon ni Archbishop Miguel de Benavides.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Honey na malaki ang naging ambag sa sistema ng edukasyon ni Archbishop Benavides nang kanyang itatag ang institusyon na nagtaas ng kalidad ng karunungan sa ating bansa.

“Bilang isang alagad ng simbahan ay ginamit nya ang kanyang impluwensya para sa ikauunlad ng mga Pilipinong salat sa karunungan. Ang mahigit apat na raang taong Unibersidad ng Santo Tomas ay isa na ngayon sa mga pinagpipitaganang sentro ng edukasyon ‘di lamang sa Asya kundi pati sa buong mundo. Siyempre, isa akong proud alumna,” sabi pa ng alkalde sa kanyang talumpati.

Ayon sa alkalde, ang Lungsod ng Maynila ay kaisa sa paggunita sa nakaraan at pagsariwa alaala ng landas na tinahak ng buong Parokya ng Santisimo Rosario bago siya nanahan sa kanyang dambana sa loob ng UST.

Aniya, ang Dalaw Patron na isinakatuparan ng simbahan, pamayanan at Pamahalaan Lungsod ay napapanahon dahil sa mga panahong tulad ng pagharap ng lahat sa pandemiya, ang pananampalataya sa Panginoon ang tanging nagsilbing pundasyon ng pag-asa at lakas ng loob.

“Ang matibay na pananalig natin sa Poong Lumikha ang siyang pinaghugutan nang ipinadama nating malasakit sa isa’t-isa. Halos tatlong taon tayong pinanatili sa loob ng ating mga tahanan sanhi ng lockdown. Maging ang ating mga gawaing simbahan ay pinagpaliban. Salamat sa Diyos dahil ngayong taon ay unti-unti na tayong nabibigyan ng kalayaan na makalabas at makapagtipon,” sabi pa ng alkalde sa kanyang pagsasalita.

Nanawagan din ang alkalde sa lahat na sama-samang gunitain ang nakaraan at sariwain ang mga alalala ng landas na tinahak ng buong Parokya ng Santisimo Rosario at magsilbi namang “inspirasyon sa lahat ang buhay ng Birheng Maria at ang kanyang ipinamalas na katatagan, lalo na sa panahon ng pagsubok at kapighatinan.”

AUTHOR PROFILE