Default Thumbnail

‘Patay kang bata ka!’

August 16, 2021 Paul M. Gutierrez 389 views

PaulMAS higit na naging kumplikado at mas higit na lumawak ang ating problema sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa ngayon na halos dalawang taon na tayong “binabayo” ng pandemya, sadyang “hilahod” na ang ating ekonomiya samantalang hindi naman talaga sapat ang kapasidad at kakayahan ng gobyerno na matulungan tayong lahat, partikular sa usapin ng ayuda.

Maari ngang may batayan si Pang. Rody na huwag pa ring alisin sa posisyon si DOH Secretary Francisco Duque dahil kumbinsido siyang hindi naman ito korap, pero, sa usapin ng ‘mismanagement’ sa ating pambansang ‘health care system,’ eh, “beke nemen, Mr. President,” mapansin mo na dito ay “sablay” itong opisyal mong ito?

Sa ngayon, ‘sandamakmak na rin ang naglabasang ‘variant’ ng orihinal na COVID-19 at sa nakikita at nararanasan ng mga Pinoy, ang dating ‘lockdown’ at ‘social distancing’ pa rin ang kayang irekomenda ni Sec. Duque at ng kanyang mga kinuhang “eksperto” d’yan sa DOH upang magbuo ng mga regulasyon upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng nasabing sakit at mabawasan ang bilang ng mga namamatay.

Wasto lang naman din na sundin natin ang mga sinasabi ng mga eksperto, partikular na ang mga “sugo” ng WHO dahil gusto nating maniwala na sila man ay gusto tayong tulungan na “makaahon” sa krisis na dala ng pandemyang ito.

‘Yun nga lang, sapul noong isang taon, wala man lang tayong nakitang “inisyatiba” ng DOH upang labanan ang pandemya batay sa ating partikular na sitwasyon. “Nakaasa” pa rin tayo sa mga eksperto mula sa ibang bansa.

Higit isang taon na rin ang nagdaan sapul nang pumasok sa ating bansa ang COVID-19, may sarili bang ‘independent study’ ang DOH at iba pa nating mga lokal na eksperto na kinuha ng DOH hinggil sa sakit na ito upang mas higit natin itong maintidihan at agarang makahanap ng solusyon sa paraang mas mabilis at angkop sa ating sitwasyon?

O, patuloy pa rin tayong umaasa sa kung ano man ang sabihin ng mga dayuhan na ang karamihan naman ay “nakatabo” (pinapasuweldo) ng Big Pharma?

Kung umaasa pa rin tayo sa sinasabi ng mga ‘foreign experts’ na nakapayola sa Big Pharma hinggil sa impormasyon sa COVID-19 at sa mga variants nito, eh, talagang, “patay kang bata ka!”

At napag-usapan na rin ang mga bata, sadya ng apala na “walang sinasanto” itong ‘Delta Variant’ ng COVID-19.

Nalaman kasi natin na isang 2-taon na batang babae ang namatay noong Linggo sa Novaliches dahil sa COVID-19.

Ang masaklap? Wala man lang mga “eksperto” mula sa DOH at gobyerno ang nagpunta upang imbestigahan ang kaso sa kabila ng katotohanan na posibleng ang kawawang bata ang ‘youngest COVID-19 victim’ sa ‘Pinas!

Higit pang masaklap, ang gastos sa ‘cremation’ at iba pang gastusin sa ospital, etc., etc., aba’y “sagot” pa pala ng kanyang ina na matagal nang walang trabaho at umaasa na lang sa ayuda dahil sa tagal na rin ng lockdown.

My Gad! Talaga bang ganito na lang ang buhay ng mga ordinaryong Pinoy ngayon, mahal na Pang. Rody?

Walang trabaho, namatayan ka ng “sanggol” na anak at ang “bigat” ng gastusin, sa iyo pa rin!

Eh, talagang wala kang masasabi kundi, “patay kang bata ka,” tama ba, Sen. Bong Go?

AUTHOR PROFILE