Default Thumbnail

‘Higanti ng anak sa ina’

August 16, 2021 Allan L. Encarnacion 480 views

Allan EncarnacionHINDI ko alam kung paano kayang paghigantihan ng isang anak ang kanyang magulang sa paraang naisip niya kahit hindi pa ito usapin ng pisikal na sakitan.

Nagulat lang ako sa mga lumabas sa international news na ang famous writer/director na si Quentin Tarantino na sumikat sa kanyang Pulp Fiction movie noong 1994 ay matinding paghihiganti ang ginawa sa kanyang ina.

Itinaga sa bato ni Tarantino na walang mahihita sa kanya ang ina kapag nagtagumpay siya sa gusto niyang larangan. Hindi raw makalimutan ni Quentin ang pang-aalipusta sa kanya ng ina noong kanyang kabataan habang nangangarap siyang maging script writer at direktor.

Mas gusto ng ina na magpokus si Tarantino sa paggawa ng mga school homework kaysa isubsob ang ulo sa pagsasanay na sumulat ng mga script dahil nga mahina raw siya sa klase.

Sabi ni Direk: And when she said that to me in that sarcastic way, I was in my head, and I go, ‘Okay, lady, when I become a successful writer, you will never see one penny from my success. There will be no house for you. There’s no vacation for you. No Elvis Cadillac for mommy. You get nothing because you said that.”

Ayon sa mga Hollywood news, totoo nga pala, maliban sa run-around-vehicle na ginagamit na sasakyan at bahay na rin ng ina ni Direk, wala na siyang ibinigay. Pinandindigan niya ang kanyang kabataang sumpa sa kanyang ina na wala itong mapapakinabangan sa kanyang pagsikat.

Ibang-iba si Direk sa maraming kabataang Pinoy na ang unang iniisip kapag nagtagumpay ay ihahango sa hirap ang kanyang mga magulang.

Si Vice Ganda ay hindi ko rin naman gusto kahit anong tumbling pa ang kanyang gawin. Pero nasakote ako ni Vice Ganda sa kanyang ginawa na ibinili ng bahay ang kanyang nanay mula sa mga naipon niya.

Hindi ko man hinahangaan si Vice sa kanyang mga pelikula, mga show na walang aral, napasaludo ako sa kanyang ginawa sa pagsaaayos ng buhay ng kanyang ina at ng kanilang pamilya.

Biglang nagkaroon ng soft spot sa puso ko si Vice sa kanyang ginawa kasi naniniwala akong dapat palaging kasabay na umuunlad ang pamilya ng sino mang nagtatagumpay na anak.

Ang paniwala ko kasi, empty success lang ang hawak mong korona kung ikaw lang mag-isa ang nakikinabang. Iyon tipo bang lahat ng magarang kotse ay nasa iyo, nakakakain mo lahat ng gusto mong pagkain, nakakapunta ka sa mga bansa na gusto mo pero iyong mga kapatid mo, iyong mga magulang mo ay nakasadlak pa rin sa hirap. Iyong hindi mo man lang sila malingon!

Hindi man lang ba sasagi sa isip ni Direk Tarantino na hamon lamang sa kanya ng ina ang mga sinabi sa kanyang noong kabataan nita? Hindi man ba niya maisip na kaya siya nagtagumpay ay dahil sa mga “masasakit” na salita mula sa kanyang ina?

Maraming kabataan ang walang pagtanaw sa hirap at sakripisyo ng mga magulang kaya may mga kaso rin naman talaga na basahan lamang ang trato ng ibang anak sa kanilang mga magulang na isang mortal sin. Huwag nating kalilimutan ang sinasabi sa Bibliya na durugin man ng pinung-pino ang ating mga buto at laman ay hindi pa rin ito makasasapat para ipambayad sa pagkakautang natin ating mga magulang.

Palagi ko itong sinasabi sa aking mga anak at sa mga kaibigang humihingi ng payo sa akin: bago kayo maging mabuti sa ibang tao, maging mabuti muna kayo sa mga kapatid nyo, maging mabuti muna kayo sa mga magulang nyo, maging mabuti muna kayo sa mga kasama nyo sa bahay.

Maraming tao ang mala-anghel sa ibang tao pero ubod nang salbahe sa mga kasama niya sa loob ng bahay.

Happy super Tuesday sa ating lahat.

[email protected]