Default Thumbnail

Para matiyak ang suplay ng kuryente

January 23, 2023 Paul M. Gutierrez 344 views

PaulBAGO ang lahat, muli tayong nagpapasalamat kay ‘Boss’ Carlo Batalla, pangulo ng Crime and Corruption Watch International (CCWI) at tagapagtatag ng ‘Batalla Cares Philippines’ sa matagumpay na pamamahagi ng mga wheelchairs sa San Pablo City noong nakaraang Biyernes, kung saan muling “kabalikat” ang National Press Club (NPC). Mula sa orihinal na 50 wheelchairs, nagtapos ang bilang sa 72 benepisyaryo.

Salamat din sa pamunuan ng SM Mall San Pablo City at kay dating 3rd district board member Angelika Jones sa kanilang pagtulong.

***

Nanawagan si Senator Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na tiyakin ang pagdadagdag ng suplay ng kuryente sa unang anim na buwan upang maiwasan ang power interruptions sa tag-init.

Sinabi na ng DOE na posible ang 12 yellow alert sa pagitan ng Marso at Nobyembre ngayong taon. Nais ng Senador na masiguro ng DOE ang karagdagang 1,196 megawatts ng kuryente na magtitiyak sa sapat na suplay nito.

Ang karagdagang suplay na ito ay hindi lamang para matiyak na mapapagana natin ang ating mga electric fan o aircon sa gabi sa tag-init. Hindi lamang din ito para mapagana ang ating mga ref at freezer para makainom ng malamig.

Malinaw ang binitiwang dahilan ni Senator Gatchalian na ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente ay kailangan para sa tuluy-tuloy na pagbangong ekonomiya. Ito ang dahilan kung bakit kailangang matiyak ang karagdagang suplay para makatugon sa pangangailangan.

Ipinapakita lamang nito na pro-active ang Senador na hindi kung kailangan kaliwa’t kanan na ang brown-out, tsaka pa lamang kikilos at magkukumahog kung nasaan na naman ang problema at nagkukulang na naman ang suplay ng kuryente.

Totoo naman na pinapatakbo ng enerhiya ang ating ekonomiya. Maraming mga negosyo at trabaho ang nakaasa sa suplay ng kuryente. Kung mawawala ito o hindi magiging sapat ang suplay, tiyak na makakaapekto ito sa takbo ng mga negosyo at malaki ang magiging epekto nito sa ating ekonomiya.

Tiyak na mahihirapan din tayong mang-enganyo ng mga dayuhang negosyante sa bansa kung makita nila na hindi reliable o stable ang power supply sa ating bansa.

Isa pa sa aasahan natin ngayong tag-init o summer season ay ang maaaring pagtaas ng singil sa kuryente kapag kulang ang suplay nito.

Opo, matagal na pong kwento ito na nangyayari sa atin. Sasamantalahin ng mga negosyante ang pagkakataon para maitulak ang pagtaas ng singil sa kuryente sa panahong kailangan na kailangan ito.

Ganyan na po ang nagiging kalakaran sa bansa natin. Gagawa ng artipisyal na kakulangan para lamang maitaas ang presyo at pagkakitaan ang hirap na dinadanas ng mga mamamayan natin.

Hindi na po bago ang ganitong mga kwento at sana magawan ito ng paraan ng gobyerno kung hindi man lubusang mawala ay mabawasan man lang ang gumagawa ng mga ganito sa atin dahil kawawa po ang ordinaryong mga tao.

Kung tutuusin lamang po napakarami pong potensiyal ng bansa natin para makalikha ng enerhiya na kakailanganin ng ating ekonomiya. May mga natural resources po tayo na maaari talaga nating i-develop para makadagdaga sa suplay ng kuryente sa bansa.

Maaari po nating seryosohin ang pagpapaunlad ng mga solar farm o di kaya ay hydro-thermal power plants at marami pang iba. Pero hindi ito maisulong dahil pipigilan ng mga nakikinabang o kumikita sa kasalukuyang sistema.

Kaya naman talagang kailangang seryosohin ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng pinagkukunan ng enerhiya na kailangan ng ating bansa. Hindi maaaring nakaasa lagi ang pamahalaan sa pribadong sektor para sa suplay ng kuryente.

AUTHOR PROFILE