Default Thumbnail

Panukala ni Sec. Tulfo ‘good point’–PBBM

September 28, 2022 Vic Reyes 310 views

Vic ReyesTAMA si Secretary Erwin Tulfo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Panahon na para magtayo ng mga permanenteng evacuation center sa ibat-ibang parte ng bansa, lalo na sa mga lugar na paboritong dalawin ng mga kalamidad.

Sa isang pulong na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at iba pang opisyal ng gobyerno, sinabi ni Tulfo na tigilan na ang paggamit ng mga paaralan bilang pansamantalang evacuation centers.

Tinawag naman ni Pangulong Marcos na “good point” ang panukala ni Secretary Tulfo, na isang dating peryodista kagaya ng kapatid niyang si Senador Raffy Tulfo.

Marami ang sang-ayon na hindi na dapat gamitin ang mga eskuwelahan para tirhan ng mga taong inililikas tuwing mayroong bagyo, baha at iba pang emergencies.

Hindi puwedeng isakripisyo ang pag-aaral ng mga bata.

Sila ang susunod na magiging lider ng ating bansa.

Kailangang matuto silang mabuti upang masiguro na karapat-dapat silang mamuno pagdating ng araw.

Habang hindi pa naitatayo ang mga permanenteng evacuation center ay baka puwede natin gamitin ang mga covered court na pinagawa ng mga politiko sa iba’t-ibang parte ng bansa.

Ang mga covered court ngayon ang ginagamit ng mga residente kung may palaro sa kanilang lugar, barangay assembly, consultation meeting at iba pang aktibidad sa komunidad.

Simulan na ang pagtatayo ng mga permanenteng evacuation center dahil madalas tayong bisitahin ng mga kalamidad.

***

Dati, malaking sakit ng ulo ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC) ang mga nawawalang container na naglalaman ng mga produktong binili sa labas ng bansa.

Hindi na ngayon, nandiyan na kasi ang tinatawag na Electronic Tracking of Containerized Cargo (E-TRACC) System.

“The system enables the real time monitoring of inland movements of containerized goods,” ayon sa BoC, na nasa ilalim ng Department of Finance (DoF) ni Secretary Benjamin Diokno.

Sa totoo lang, lalong piniigting ng ahensya ang “monitoring of the movement and location of containers to secure the transit of imported goods” sa pamamagitan ng E-TRACC System.

Ang paggamit ng E-TRACC System ay naglalayong makakarating sa “intended destination” ang mga container at hindi napupunta sa kung saan-saang lugar sa bansa.

Ang system ay mayroon pang “state-of-the-art alarm feature that can detect diversion and tampering.”

Noon ngang nakaraang Agosto ay limang alarms ang nai-report sa system. And ibig sabihin nito ay pakaunti na ang mga tangkang “commission of diversion at iba pang customs fraud.”

Pagkatanggap ng alarm ay agad na aaksyon ang mga operatiba ng BoC-Enforcement and Security Service (ESS). Kaagad silang mag-iimbestiga para malaman ang nangyayari.

“The E-TRACC System shows that it is highly-effective and a powerful deterrent against diversion and smuggling,” ayon pa sa report ng customs bureau.

Maiiwasan na rin ang tinatawag na “erroneous delivery” ng mga kargamento.

***

Halos balik na tayo sa dating pamumuhay pagkatapos ng mahigit dalawang taong “lockdown.”

Ngayon ay puwede ng standing passengers sa loob ng public utility bus (PUB) at Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) Class 2, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Pero dapat striktong ipatupad ng mga drayber ang minimum public health safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Binalaan din ng LTFRB ang mga drayber at operator ng mga PUB na papatawan sila ng kaukulang sanctions kung hindi nila maipapatupad ang health and safety protocols.

Kailangang sumunod ang mga ito sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order No. 2014-01.

Siguro panahon na rin para bumuo ang LTFRB at Philippine National Police (PNP) ng isang task force na huhuli sa mga drayber na sobra kung maningil.

Dapat tutukan din ng local government units (LGUs) ang operasyon ng mga tricycle sa ibat-ibang parte ng bansa.

Sobra-sobra silang maningil ng pamasahe, bihira na lang tuloy ang pumupunta sa mga palengke.

Pati merienda ay sa online na lang ini-order dahil nga sa taas na pamasahe sa mga three-wheeled na sasakyan.

Kaya, buhay na buhay na ang online marketing dahil sa kagagawan ng mga drayber!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE