Default Thumbnail

Palakpakan naman natin ang BoC!

November 6, 2022 Vic Reyes 317 views

Vic ReyesKAGAYA ng inaasahan ng marami nating kababayan, nalampasan din ng Bureau of Customs (BoC) ang buwanang revenue collection target para sa buwan ng Oktubre.

Ayon sa rekord, umabot ng P75.5 bilyon ang koleksyon ng ahensya noong nakaraang buwan, angat ito ng P11.8 bilyon kumpara sa target nitong P63.7 bilyon.

Dahil dito ay meron ng P714.3 bilyon tax collection ng BoC mula Enero hanggang Oktubre.

Kailangan na lang makakolekta ang ahensya ng P6.7 bilyon sa natitirang dalawang buwan ng kasalukuyang taon para maabot ang asssigned tax take nito sa 2022.

Maraming waterfront observers nga ang nagsasabing kayang-kaya ng BoC na kumolekta ng mahigit P100 bilyong buwis at taripa sa buwan ng November at December.

Kapag nangyari ito ay aabot ng mahigit na P814 bilyon ang 2022 total collection ng ahensya na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Ang total na koleksyon ng BoC noong 2021, 2020, 2019, 2018 at 2017 ay P645.7 bilyon, P539.6 bilyon, P630.4 bilyon, P458.1 bilyon at P444.1 bilyon, ayon sa pagkakasunod.

Bumaba ang koleksyon noong 2020 dahil sa “paralyzing lockdowns” dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nagpabagsak sa lokal na ekonomiya.

Ngayon pa lang nga ay abot-tainga na ang ngiti ng mga taga-BoC, kasama na ang rank-and-file, dahil siguradong magre-rehistro sila ng record revenue collection sa taong ito.

Palakpakan naman natin BoC!

***

Araw-araw na lang ay tumataas ang presyo ng halos lahat ng bilihin, partikular na ang pagkain.

Ito ang lalong nagpapahirap sa taumbayan hindi lang sa probinsiya kundi sa buong bansa.

Pati ang mga tinatawag na daily wage earners ay umaaray din dahil kulang na kulang daw ang kinikita nila para makakain ng tatlong beses sa isang araw ang kanilang pamilya.

Kung ang mga may kita ay hirap na hirap na, eh lalo naman ang mga walang suweldo. Ang ibang pamilya nga ay hindi na makapasok sa eskuwela ang mga anak.

Walang pambili ng gamit sa school. Hindi lang yan. Sa umaga, pati pandesal at kape ay hindi rin makabili dahil sa sobrang kahirapan na nararanasan ngayon.

Mabuti naman at itutuloy pa rin ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang pamimigay ng ayuda sa mga naghihirap na kababayan natin.

Ang problema lang ay hindi naman lahat ng naghihikahos na pamilya ay makakatanggap ng financial cash assistance o relief goods dahil kulang din ang pondo ng gobyerno.

Mahigit na dalawang taon na walang ginawa ang gobyerno kundi gumastos para may maitulong sa mga “unfortunate members” ng lipunan at pambili ng bakuna.

Ang sabi nga ng ilang ekonomista ay baka tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin hanggang sa first quarter ng 2023.

Sana naman makagawa ng paraan ang gobyerno para maibsan ang paghihirap ng taumbayan.

***

Sakit talaga sa ulo ang dulot sa atin ng mga manlolokong gamit ang cellular phone at iba pang “wonders of modern technology.”

Mahirap ma-trace ang mga manlolokong ito dahil pagkagamit ng SIM card ay itatapon o sisirain na lang ang ito.

Mabuti na lang at mayroon na tayong batas na nag-oobligang iparehistro ang lahat ng SIM cards bago magamit ang mga ito.

Ang Republic Act (RA) No. 11934 ay ang unang panukala na naisabatas sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Sana ma-implement na ang batas na ito para matigil na ang panloloko gamit ang mga mobile phone.

Marami ng na-scam sa mga kababayan natin.

Sa tulong ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ay meron namang nasakote at nasampahan ng kaukulang kaso sa korte.

Pero mabusisi, masalimuot ang proseso bago ma-identify ang mga scammer.

Kaya nga kailangan bilisan na ang implementasyon ng RA No. 11934.

(Para sa inyong komento ag suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected] Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE