Default Thumbnail

Reinvent at sumisid sa pinakapusod ng dagat

November 6, 2022 Allan L. Encarnacion 256 views

Allan EncarnacionHINDI madaling maka-survive at magtagumpay sa mga napipili nating larangan.

May mga taong lahat ng klase ng pagsisikap ay ginawa, iba’t ibang uri ng istilo ang naisipan, nag-recalibrate, nag-reboot at nag-overhaul ng career pero palaging mailap ang tinutugis nilang tagumpay. Sa halip na sumulong, bumabalik sila doon sa original or starting point kung saan sila nabigo. Naniniwala sila sa matandang kasabihan na bumangon ka kung saan ka nadapa. Hello, digital age na tayo, tama na muna ang Lola Basyang na kasabihan!

Kung isasalarawan ko ang pagsisimula ng aking career sa journalism, hindi ko masabing tagumpay, hindi ko rin naman masabing bigo. Mapalad lang ako dahil nang magsimula akong maging working student sa Abante/Abante Tonite noong July 1989, habang nasa 3rd year college ako. Iyon na ang una’t huling posisyon ko bilang news correspondent o nasa hanay ng karaniwang empleyado.

Pagka-graduate ko sa Lyceum, Manila noong 1990, naging deskman na agad ako sa ibang kompanya. Mula sa temporary beat ko sa Crame at reliever sa Congress, promoted na agad ako. Ang deskman ay ang lowest sa editorial ranks. May editor-in-chief, managing editor, news editor, city editor at deskman.

Nagpalipat-lipat na ako ng kompanya pero mas tumaas na ang naging posisyon ko, naging news editor at naging managing editor. Nang sawaan na ako sa diyaryo, tumigil na akong mag-editor, nagkokolum na lang ako.

Along the way, nag-iba ng career pero related pa rin sa communications. Naging Public Information Chief ako ng Pasig City sa ponahon ni Mayor Enteng Eusebio at sa unang parte ng termino ni Mayor Bobby. By the way, kakaiba ang linis at sistema ng Pasig sa panahon ng mga Eusebio, lalo na sa termino ni Mayor Enteng. As in sobrang linis kahit saan ka tumingin sa Pasig! Nag-PIO din ako sa Malabon City sa panahon naman ni yumaong Mayor Tito Oreta. Pero bago ito, nakapagtrabaho rin pala ako sa Commission on Appointments.

Pagkatapos ng dalawang PIO stint ko, pumasok naman ako sa TV. Sa ABS CBN na behind the camera sa news ng morning show at sa UNTV as on cam host sa Pondahan na kulitan, info and entertainment. For a time, naging consultant din ng isa pang morning show sa isa pang TV and FM radio pero raket lang din iyon. Nagkaroon din ako ng sandaling radio career.

Kaya nga kapag gumagawa ako ng curriculum vitae noong araw, parang chopsuey at pinakbet sa dami ng nakasulat kaya lang, may disadvantage rin kapag malawak na ang iyong naging career: una, tingin ng dadaanan mong boss, threat ka sa kanya kaya malamang di ka niya tanggapin, pangalawa, kung tatanggapin ka man, takot sila sa “desired salary” mo dahil pakiramdam nila, mas mataas pa suweldo mo sa supervisor mo.

Pero sa lahat ng career na dinaanan ko, ang pinakagusto ko at puwede kong sabihing first love ko ay ang Public Relations. Branch of communication din ito pero sakop lahat ng siyensiya ng komunikasyon mula sa pagsusulat, estratehiya, paghawak sa mga isyu nang tama, pagkikipagtalasasan, negosasyon, pagkokonsepto ng mga political advertisement, corporate and political crisis, diplomasiya, back chanelling at kung anu-ano pang kilos na huhulma ng isang reputasyon ng isang tao, ng isang ahensiya o ng isang bansa.

Noong mga nakaraang dekada, limitado ang iyong kilos sa diyaryo, radyo at telebisyon. Bilang PR practitioner, parang palagi kang hawak sa leeg ng mga medium na ito na nakakatulong mo sa iyong karera. Kahit anong bangis mong PR, sila pa rin ang may hawak ng trangkahan.

Kaya nang dumating ang social media, nagkaroon ng equalizer sa labanan sa PR. Kanya-kanya na ng mikropono, kanya-kanya na ng camera at kanya-kanya na rin ng taktika. Nariyan pa rin ang tradtional medium pero iba ang tabas ng social media gaya ng FB, Instagram, Youtube, Twitter at Tiktok. Pero sa dami ng medium, ang FB pa rin ang nangunguna sa kanyang 87% grado na inaasahan ng populasyon ng bansa.

Kung may isang buong pizza pie, dalawang hiwa lang ang kinakain ng mainstream pero iyong sampung hiwa, nakuha ng social media. Kaya nga napapansin nyo, iyong mga traditional medium ay nagkaroon na ng parallel sites sa social media para makasabay.

Ganoon din ang gawin nyo sa inyong mga career, reinvent nyo ang inyong talento, sikapin nyong makasabay at huwag kayong makuntento na nanonood lang sa nangyayari sa mundo. Subukan nyo lahat, nasa kamay nyo ang tagumpay, huwag nyong iasa sa ibang tao.

Dont just be an spectator, be a player!

Ang keyword: dont give up, reinvent at sumubok mag-dive sa pinakapusod ng dagat ng opurtunidad!

[email protected]