Default Thumbnail

Palabasin sa kalsada si Congressman Rex Gatchalian!

December 26, 2022 Allan L. Encarnacion 459 views

Allan EncarnacionHANGGANG nitong nakaraang linggo ay walang lumabas na reappointment para kay. DSWD Secretary Erwin Tulfo matapos siyang pangalawang ulit na hindi makumpirma ng Commiission on Appointments.

Karaniwan, kapag hindi nakukumpirma ang mga Cabinet appointees, muling binibigyan ng appointment ng Pangulo para maisama sa konsiderasyon ng CA sa mga susunod nilang mga confirmation hearing.

May tiyansa pa naman si Sec Erwin na makumpirma sa CA pero first thing first, dapat mabigyan muna siya ng reappointment. Pero kapag hindi pa rin nakapasa sa CA sa ikatlong pagkakataon dahil sa wala pang linaw na isyu ng US citizenship at libel case conviction, hindi na siya puwedeng mabigyan ng bagong reappointment.

Ang pag-asa na lang ni Sec Erwin kung sakaling hindi makabalik sa DSWD ay maitalaga siya sa posisyon na hindi kailangan ng CA confirmation gaya ng Presidential Adviser or mga line agency position. Sayang din naman si Sec Erwin dahil masipag at hands-on siya sa mga trabaho sa departamento.

Kung sakali namang maglalagay ng bagong DSWD seretary si Pangulong BBM na magiging kapalit ni Sec Erwin, ang suhestiyon natin ay si former Valenzuela Mayor na ngayon ay Congressman Rex Gatchalian.

Makailang ulit na nating natalakay dito ang kakaibang management style ni Cong Rex magmula pa noong magsimula siyang maging alkalde hanggang tamaan tayo ng pandemic.

Alam naman natin kung ano ang estado ngayon ng Valenzuela City bilang isang maunlad, malinis at maayos ang sistema ng lahat ng aspesto ng local governance magmula nang hawakan nila Mayor Rex, Mayor Sherwin at ngayon ay Mayor Wes.

Iyong Valenzuela City talaga ang magandang halimbawa ng “political dynasty” na pinakinabangan ng ating mga kababayan. Bago naging alkalde sila Senador Sherwin at Cong Rex, alam naman nating lahat na ang Valenzuela ang pinakamabantot na lugar dahil sa dami ng basura sa kalsada, pinakamataas ang krimen, tapunan ng mga salvage, matinding traffic at hindi masolusyunang pagbabaha. Katunayan, kapag sasakay ka ng taxi noon papuntang Valenzuela, naku, halos mapatid ang ugat sa leeg ng driver sa pagtanggi dahil sa takot na maholdap o mabalaho sa basura at baha.

Iyong management style ni Rex ang naging markado, lalo na nang magsimula ang pandemic lockdown noong 2020.

Iyong proseso nila ng paghahatid ng ayuda na walang chaotic at walang naiwanan ang napansin ng national government.

Sa ilalim din ng liderato ni Mayor Rex nakita natin kung paano nakapagtayo ng maayos na quarantine facilities, testing laboratory at iba pang kailangan sa pagtugon sa pandemic.

Ang maganda rito kay Cong Rex, lahat ng kilos niya ay walang bahid ng kahit anong hibla ng pulitika at kapag narinig mong magpaliwanag sa mga isyu, alam mong inaaral lahat ang kanyang mga sinasabi.

Sana nga lang maikunsidera ng Pangulo si Cong Rex dahil nakapanghihinayang ang talent nito kung nasa apat na sulok lang siya ng kongreso. Ilabas natin sa kalsada ang mga katulad ni Cong Rex para mas pakinabangan ng bansa ang kanyang management capabilty.

[email protected]