Default Thumbnail

Paigtingin uli ang booster-bakuna!

January 7, 2023 Marlon Purification 209 views

Marlon PurificationHINDI ko alam ko ano na ba ang tawag sa uri ng bakuna kung nakadalawang ulit ka nang nagpa-booster!

Kung sabagay, kung anuman ang tawag diyan ay hindi na masyadong mahalaga para sa ngayon.

Ang gusto kong tumbukin ay kung magkakaroon pa ba uli ng panibagong supply ng bakuna o booster.

Mahalaga ring malaman ng publiko kung sapat na ba ang naka-tatlo hanggang apat na bakuna o kailangan uli ito maulit makalipas ang anim na buwan.

Sa sariling record ko kasi ay nakaapat na beses akong binakunahan. Dalawang ‘Sputnik’ at dalawang Moderna!

Hindi ngayon malinaw kung dapat pa uli ako magpaturok ng ikalimang bakuna o hindi na.

Maganda sigurong dito ipunto ang usapan ngayon.

Maliban pa sa usapin kung dapat bang maghigpit ang Pilipinas sa mga papasok na travellers mula sa China.

At kung pagbabatayan ang sinabi ng Department of Health (DOH) noong nakaraang lingo ay hindi pa dapat magsara ng border. Hindi pa nakaaalarma ang sitwasyon sa China na ayon sa international news reports ay patuloy ang pagdami ang nangamamatay at nagkakasakit dahil sa iba’t ibang uri ng variant ng coronavirus sa naturang bansa.

Ilang araw makaraang ihayag ng DOH na hindi pa naman dapat maghigpit sa mga papasok sa bansa galing China, walong Pilipino na nagmula sa nasabing bansa ang nagpositibo sa COVID-19.

Kinumpirma mismo ng DOH na ang walong Pinoy travellers ay dumating sa bansa mula Disyembre 27, 2022 hanggang Enero 2, 2023.

Ayon sa NAIA-Bureau of Quarantine, ang mga Pinoy ay hindi bakunado. Agad silang isinailalim sa antigen testing at nagpositibo sa COVID. Muli silang isinailalim sa confirmatory RT-PCR testing at muli umanong nagpositibo. Naka-isolate na umano ang walo.

Batid kong sa ayaw at sa gusto ng pamahalaan na maghigpit sa mga travellers na mula sa bansang China, mahalaga pa rin sigurong ibaling ang atensiyon ngayon kung kalian uli dapat mag-booster shots ang ating mga kababayan.

Dapat ay magkaroon ng malinaw na pahayag kung ang isang tao bang naka-apat nang bakuna sa katawan ay sapat na.

Dahil kung hindi, dapat ay malaman ng taumbayan na kinakailangan uli tayong magpaturok ng ikalimang bakuna.

Isinusulat ko ito’y marami pa tayong kababayan na nakakatatlong bakuna pa lang ngayon.

Kaya nararapat na magkaroon ng maigting na impormasyon kung kailan uli dapat magpabakuna ang isang indibiduwal at kung may sapat ba tayong supply ng mga bakuna.